Inampon, inaruga, minahal

Dear Dr. Love,

Twenty five years old pa lang ako ay accomplished businesswoman na ako. Palibhasa ay nakamana ako ng malaking halaga sa aking yumaong mga magulang at ako na ang nagtuloy sa aming family business na handicrafts.

Tawagin mo na lang akong Lilian, kaisaisang tagapagmana ng aking mga magulang dahil nag-iisa lang akong anak. 19 years old pa lang ako ng namatay ang aking ama at ina sa isang road accident. Hindi ako nakatapos ng aking business administration course dahil ako na ang namahala sa aming negosyo sa bata kong gulang.

Sa aking pagawaan, may madalas magtungo roon na batang pulubi na palaging nanghihingi ng pagkain. Tingin ko’y  5 years old lang siya. Nakita kong itinataboy siya ng guwardya pero sinabihan ko ang guard na pabayaan siya. Wala ng magulang ang bata kaya inampon ko siya at pinabayaang matulog sa aming shop.  Pinag-aral ko siya hanggang makatapos ng vocational course. Napakabait kasi niyang bata at may pagkukusang tumulong sa gawain sa pabrika hanggang matuto siya. 39-anyos na ako ngayon at isa pa ring dalaga at siya ay 25-anyos na. Ate ang tawag niya sa akin at minahal ko siya tulad ng isang tunay na kadugo.

Nagulat ako ng isang araw na nagkasa-rilinan kami, nagtapat siya ng pag-ibig sa akin. Hindi ko alam kung paano ako magre-react pero aaminin ko na may lihim din akong pagtatangi sa kanya. Alam kong seryoso siya sa sinabi niya pero naguguluhan ako kung tatanggapin ko siya bilang kasintahan.

Pagpayuhan po niyo ako sa aking dapat gawin.

Lilian

Dear Lilian,

Maaaring minahal ka niya dahil sa malaking pabor na nagawa mo sa kanya. Pero pagpayuhan mo siya na mag-isip baka pagmamahal lang sa isang kapatid ang nadarama niya sa iyo at hindi pag-ibig na humahantong sa kasalan.

Hindi balakid ang agwat sa edad sa da-lawang tunay na nagmamahalan pero may mga consequence na puwedeng mangyari. Paano kung tumanda ka na at tuluyang pumuti ang buhok mo at manguluntoy ang iyong balat, mamahalin ka pa kaya niya na mukha pa ring bata matapos ang dalawampung taon?

Kunsabagay, nasubukan mo na ang kanyang katapatan sa iyo sa nakalipas na panahon at sana nga’y maging tapat siya kung siya ang mapapangasawa mo.

Hindi ko saklaw ang iyong damdamin pero iyan lang ang payo ko sa iyo. Pag-isipan mo muna ng masinsin ang ano mang desisyong gagawin mo.

Dr. Love

 

 

 

 

 

 

 

Show comments