Matandang dalaga

Dear Dr. Love,

Magandang araw sa iyo, Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Helga na isang matandang dalaga.

Nakaabot ako sa edad na 45 nang hindi nag-aasawa dahil sa  mapait kong karanasan sa pag-ibig. Kasi po, tatlo ang naging kasintahan ko na pawang nagtaksil sa akin.

Dahil sa karanasang ‘yun, hindi na ako nag-asawa. Hinihimok ako noon ng mga kaibigan ko at kaanak na mag-asawa dahil mahirap daw ang tumandang dalaga. Wala raw mag-aalaga sa akin sa panahong ako ay matanda na.

Pero nakatanim sa puso ko ang pagkamuhi sa mga lalaki. Sa tingin ko ay pare-pareho lang sila.

Lumipas pa ang ilang taon at dumating sa buhay ko si Hener, 31 anyos lang siya. Labing-apat na taon ang tanda ko sa kanya. Hindi ko alam kung bakit nagbago bigla ang pananaw ko sa lalaki. Umibig ako kay Hener.

Pero nang sabihin ko ito sa aking inay at mga kapatid, nagpahayag sila ng pagtutol. Hindi raw kami bagay dahil sobra ang tanda ko sa kanya. Puwede raw akong mag-asawa pero hindi naman sa sobrang bata. Ngunit hindi ko naman mapipilit ang sarili ko na umibig sa ibang lalaki, matangi kay Hener. Siya ang mahal ko.

Masama ba kung labagin ko ang kagustuhan ng mga kaanak ko at magpakasal kay Hener?

Helga

 

Dear Helga,

Sa totoong nagmamahalan, walang halaga ang agwat sa edad. Naniniwala ako sa kasabihang, “age doesn’t matter.” Tinatanong mo kung puwede kang sumuway sa gusto ng iyong ina, ang sagot ko ay oo at hindi ka magkakasala dahil lampas ka na sa tamang gulang at ikaw ang nagpapalakad sa buhay mo.

Mabuti nga at kinalimutan mo na ang pagkamuhi sa mga lalaki at nabuhay ang tiwala mong magmahal. Tumpak iyan. Hindi dapat tumigil sa pag-inog ang mundo dahil lamang sa tatlong mapapait na karanasan.

Huwag kang magdalawang-isip. Sa edad mo ngayon, talagang ikaw ay isa nang certified matandang dalaga at kailangan mo ng isang katuwang sa buhay kahit pa hindi na kayo magkakaanak dahil sa edad mo.

Dr. Love

Show comments