Double timer

Dear Dr. Love,

Kumusta ka po? Sana ay nasa mabuti kang kalagayan kasama ang mga mahal mo sa buhay.

Tawagin mo na lang akong Alexa, 19 anyos. May boyfriend po ako. Tawagin mo na lang siyang Raver, 22 anyos.

Dalawang taon na po kami. Sa buong panahon namin bilang magboyfriend, ang buong akala ko ay tapat siya dahil sa kanyang magandang ugali. Maalalahanin siya at lagi akong tinatawagan kapag hindi kami nagkikita.

Kahit mga magulang at kapatid ko ay bilib sa kanya dahil responsable at may magandang trabaho siya.

Nagbago ang magandang impresyon ko sa kanya nang malaman kong may isa pa siyang girlfriend sa kanilang office. Napatunayan ko ito nang mabasa ko sa cellphone niya ang kanilang very sweet na text message.

Agad akong nakipag-break sa kanya. Tumanggi siya at humihingi ng isa pang chance. Makikipagkalas na raw siya sa isa niyang girlfriend. Dapat ko pa ba siyang pagkatiwalaan at patawarin?

Alexa

 

Dear Alexa,

Sa tagal ng panahong magkasintahan kayo, palagay ko naman dapat mo siyang bigyan ng isa pang pagkakataon. Pero kailangang totohanin niya ang pangakong makikipag-break siya sa isa niyang girlfriend.

Walang tao na hindi nagkakamali. Ang maha­laga ay marunong magsisi sa bawat pagkakamali at marunong humingi ng tawad.

Patawarin mo siya at huwag sayangin ang dalawang taon ninyong pinagsamahan. Kung uulit pa siya, doon ka marahil dapat mag-isip-isip kung dapat mo siyang patawarin.

Dr. Love

Show comments