Lumpo

Dear Dr. Love,

A very warm greetings to you.

Tawagin mo na lang akong Eliza, 23 anyos at dalaga pa.

Magiging direct and to the point ako. Maganda ako ngunit isa akong polio victim at habambuhay na akong uupo sa silyang de gulong.

Kahit high school lang ang natapos ko ay matalino ako dahil nag-aaral ako sa sarili kong paraan. Mahilig akong magbasa ng mga nobela at history book.

Hilig ko rin ang mag-social media at maki­pagkaibigan sa mga taong natatagpuan ko sa website.

Sa Facebook ay nakilala ko si Raddy. Niligawan niya ako at hindi nagtagal sinagot ko siya kahit hindi ko pa nakikita.

Hindi niya batid ang kalagayan ko. Nagwo-worry ako na baka dumating ang araw na makipagkita siya sa akin at malaman ang aking kalagayan. Ano ang gagawin ko?

Eliza

 

Dear Eliza,

Hindi mo puwedeng ikubli ang kalagayan mo habambuhay. Magsabi ka sa kanya ng totoo na ikaw ay isang paralitika. Hindi ko itinuturing na kapansanan ang taglay mo dahil may iba kang kakayahan.

Kung matatanggap ka niya sa katayuan mo, mapalad kang nakatagpo ng isang lalaking totoong nagmamahal sa iyo.

Kung hindi ka niya matanggap, atleast nalaman mo na ang kagandahan mo lang ang hangad niya.

Dr. Love

 

Show comments