Jealous Lover

Dear Dr. Love,

Umaasa po akong matatanggap ninyo ang liham ko na nasa mabuti kayong kalagayan. Ako po si Malene, 26 anyos. Mayroon akong boyfriend at itago n’yo na lang sa pangalang Celo,  guwapo po siya kaya tumibok din ang puso ko para sa kanya.

Ang problema po ay separated siya sa asawa at kasalukuyan pa lang dinidinig sa korte ang kanyang annulment. Ako rin po  ay separated sa una kong asawa. Napa-annul ko ang unang kasal ko dahil isa siyang brutal na asawa na lagi akong sinasaktan.

Ang boyfriend ko ngayon ay mabait at malapit sa aking mga anak.  Pero dahil lumulubha ang kanyang pagiging seloso, parang gusto ko nang makipag-break sa kanya. Sobra pala siyang se­loso at madaling magalit, lalo na kung tumatawag ang dati kong asawa sa opisina para kumustahin ang aming mga anak. Baka kasi katulad din siya ng aking asawa na nananakit at ngayon lang nagpapakita ng kabaitan habang nanliligaw pa.

Ayaw naman niyang makipag-break.

Ano ang gagawin ko, Dr. Love?

Malene


Dear Malene,

Pag-isipan mong mabuti ang iyong situwasyon. Baka nga pumapasok ka sa alanganing situwasyon lalu pa’t pareho kayong hiwalay sa asawa. Isa pa, hindi pa naaayos ang kanyang annulment kaya isang problema iyan.

Kung pagseselosan niya ang dati mong asawa, baka maging habambuhay mong kalbaryo iyan dahil hindi maiiwasang magkaugnay pa rin kayo ng mister mo dahil may karapatan siya sa iyong mga anak.

Timbangin mo ang sitwasyon at ikonsidera mo ang katiwasayan ng iyong isip at ng iyong mga supling.

Dr. Love

 

Show comments