Walang pakundangan ang manugang

Dear Dr. Love,

Wala akong naging problema sa aking mga anak at ngayon ay parang tinik sa aming pamilya ang ewan ko kung anong klaseng manugang ko.

Hindi ko mawari ang kawalan niya ng modo o sadyang manhid at makasarili. Palibhasa’y asawa siya ng aking anak at ama ng aking mga apo kung kaya hindi siya basta maitsapwera sa lakad ng pamilya.

Ang hindi ko maintindihan sa tuwing mag-iimbita kaming mag-asawa para kumain sa labas ay laging ang pinakamahal na pagkain ang ino-order ng manugang kong ito. Hindi ko alam kung sinasadya niya dahil hindi nga naman siya ang magbabayad.

Kung minsan naman ay mistulang pang-piyesta ang order niya, na hindi naman niya kayang ubusin. Madalas ay ipinapabalot ang mga ‘yon at inuuwi sa kanilang bahay.

Pilit kong hinahanapan nang katwiran ang aking manugang sa kanyang inaasal. Dahil bakit hindi lang siya magkaroon ng malasakit sa aming biyanan niya na siyang magbabayad.

Marahil iniisip niya na hindi naman kami mag-iimbita kung wala kaming pambayad o kaya’y maaaring tama ang palagay ng mister ko na sabik sa pagkain ang aming manugang.

Hindi lang naman po ang kawalan niya nang pakundangan ang iniisip ko, kundi paano kung ibang tao ang nag-imbita sa aking anak at mga apo, tapos kasama siya at ganon ang gagawin niya. Kawawa naman ang anak ko na makakaladkad sa kahihiyan.

Bagaman naisip ko nang mag-open sa aking anak tungkol sa inaasal ng kanyang asawa, nagdadalawang-loob  naman akong gawin ito. Baka kasi ipagtampo ng anak ko.

Payuhan po ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin, ang anak ko ba ang kakausapin ko o didirekta na akong magsasabi sa aking manugang?

Maraming salamat at aabangan ko ang iyong payo.

Gumagalang

Nanay Mila

Dear Nanay Mila,

Mas kilala mo ang iyong anak, kaya mas alam mo kung paano ka makakapagsabi sa kanya nang hindi niya ipagdaramdam. Wala namang masama sa intensiyon mo, kailangan lang ay idaan sa maayos na pagsasalita.

Dr. Love

 

Show comments