Nagluluksa sa dilim

Dear Dr. Love,

Nagkaroon po ako ng relasyon sa itinuturing kong pinakamabait at ideal na lover sa nakalipas na ilang taon. Ang relasyon po namin ay lihim na lihim sa aming pamilya at mga kaibigan dahil kapwa kami pamilyado na ni Gabriel.

Ang akala ko po, hindi na matatapos ang masasaya naming mga araw subali’t nagkamali po ako dahil nagkaroon siya ng biglaang atake sa puso, ikinasawi niya ito pagkaraan ng ilang linggong pagkakaospital.

Masamang-masama po ang loob ko at ang labis kong ikinalulungkot dahil ni hindi ko man lang siya nadalaw sa ospital at naalagaan. Ni hindi ko po napangahasang dumalo sa kanyang cremation at sa kanyang burol sa pangambang doon pa ako bumigay at malantad ang aming pinakatatagong-lihim na relasyon.

Mahigit na pong isang taong pumanaw si Gabriel pero nagluluksa pa rin ako lalo na kung pumapasyal akong mag-isa sa mga lugar na malimit naming puntahan noon. Lalo po akong hindi maka-move on sa ganitong kalagayan.

Madalas akong hindi makatulog dahil sa matinding kalungkutan, nahahalata na nga ng mister ko ang pamamayat ko. Kung pagtapat ko kaya sa kanya ang naging relasyon namin ni Gabriel, mauunawaan at patatawarin kaya niya ako?

Kilala po ng mister ko si Gabriel dahil isa niya itong matalik na kaibigan noong kanilang kaba­taan. Ang asawa po naman ni Gabriel ay dating­ nobya ng aking mister.

Payuhan mo po ako kung makabubuting ipag­tapat ko ang naging relasyon namin ni Gab­riel noong siya ay nabubuhay pa. Hindi ko po ka­yang magkahiwalay kami ng aking asawa dahil sa nagawa kong pagkakasala.

Maraming salamat po at hihintay ko po ang inyong mahalagang payo.

Gumagalang,

Carlita

 

 

Dear Carlita,

Mayroong mga bagay na makabubuting ma­natili na lang lihim kaysa pagmulan ng lamat ng pamilya mo. Bagaman sinasabing walang lihim­ na hindi nabubunyag, darating ito sa tamang panahon. Anong malay mo kapag sumingaw na ang tungkol sa lihim ninyong relasyon ni Gabriel ay magiging madali na para sa mister mo na balewalain ito. Sana huwag ka na muling magtaksil sa asawa mo.

DR. LOVE

Show comments