Si Smiley at si Isnabero

Dear Dr. Love,

Ipinararating ko sa inyo ang isang maalab na pagbati at sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Ako po ay isa sa masusugid ninyong mambabasa. Salamat po sa pagpapaunlak na malathala ang sulat ko.

Itago na lang po ninyo ang identity ko sa alias na Ms. Smiley, 18 years old.  May crush po ako. Tawagin mo na lang Mr. Isnabero. Hindi ko po alam kung love ba itong nararamdaman ko sa kanya. Hindi po kami nagpapansinan at ni ngiti ay hindi rin po. Pero lagi ko siyang nahuhuling tumitingin pero bigla niyang babawiin at iniiwas na ang tingin niya sa akin.

Naguguluhan po ako. Ang sabi ng mga relatives ko at ng mga friends ko ay crush din daw po niya ako. Pero ayaw ko pong maniwala kasi cute siya at ako ay hindi.

One time, nagkakuwentuhan kami. Niloloko pa nga ako ng friend ko dahil pareho raw kaming may star sa aming mga mata noong nag-uusap kami.

Pero pagkaraan nito ay hindi na naman niya ako pinapansin pero kapag nginingitian ko siya ay ngumingiti naman siya.

Ngunit bakit ganoon? Sa isang friend ko, siya ang nauunang ngumiti pero pagdating sa akin, kailangang ako ang maunang ngumiti bago niya tugunin ang ngiti ko. May nagsasabi naman sa akin na baka nahihiya siya sa akin dahil alam niyang crush ko siya. Kung minsan, nararamdaman kong crush din niya ako pero ayaw kong i-entertain ang ideyang ito dahil baka isa lang itong pantasya.

Sa ngayon po ay hindi ko na siya nakikita at baka hindi na kami magkitang muli dahil umalis na siya sa aming lugar. Malimit na para akong tanga na iniisip na nandoon pa siya sa kanilang tahanan.

Ang sakit-sakit talaga ng nararamdaman ko nga­yong wala na siya.

Sa tingin po ba ninyo ay crush lang ang nararamdaman ko para sa kanya? May pagtingin din kaya siya sa akin?

Ms. Smiley

 

Dear Ms. Smiley,

Marahil, para sa akin, isa lang paghanga o crush ang nararamdaman mo para kay Mr. Isnabero.

Ang pag-alis niya nang walang paalam at ni minsan ay hindi ka man lang niya kinukumusta ay maaaring ipakahulugan na humahanga lang siya sa iyo at mas nakatuon ang kanyang pansin sa pagsasakatuparan ng kanyang mga plano sa buhay.

Maaaring bata ka pa at wala pang masyadong karanasan sa pag-ibig. Hindi mo pa masyadong nauunawaan kung totoo na ngang pag-ibig ang nararamdaman mo.

For the meantime, enjoy life. Lumabas ka at maki­pagkilala sa mga kababata mo. Be sociable at huwag kang malungkot kung umalis man ang crush mo.

Kung talagang may gusto siya sa iyo, babalikan ka niya.

Dr. Love

Show comments