Nagtataksil ba siya?

Dear Dr. Love,

Ito’y tungkol sa aking misis na natsitsismis na kinakaliwa ako. Tawagin mo na lang akong Mauro, 25 anyos.

May mga kumakalat na tsismis na may kinakatagpong ibang lalaki ang asawa ko. Pero mahirap kong paniwalaan dahil magiliw siya at malambing pagdating ko mula sa opisina.

Kahit nanay ko mismo ay nagpayong manmanan ko siya. Natatakot naman akong mag-usisa dahil baka magalit siya at magtampo sa kawalan ko ng tiwala sa kanya. Sa totoo lang, wala akong maipipintas. Maayos ang bahay namin at handa na ang pagkain pagdating ko.

Nag-iisa lang ang anak namin at magdadalawang taong gulang. Wala kaming katulong at lahat ay inaasikaso ng asawa ko.

Sa palagay mo Dr. Love, nagtataksil ba siya sa akin?

Mauro

Dear Mauro,

Kung tatanungin mo siya at totoong may kinakatagpo siya, malamang hindi siya magsabi ng totoo. Kaya tama ang sabi ng nanay mo na subukan mo siya. Mag-leave ka ng ilang araw at matyagan ang kanyang kilos. Kunwari ay papasok ka pero abangan mo ang kanyang kilos.

Pero malakas ang kutob ko na hindi totoo ang tsismis dahil wala kayong katulong at may anak na halos beybi pa. Paano siya aalis nang walang nag-aalaga rito?

DR. LOVE

Show comments