Iresponsable ang nakabuntis

Dear Dr. Love,

Buntis po ako ngayon pero walang katiyakan na pakakasalan ng aking boyfriend. Naging mabilis po ang lahat sa amin ni Tony. Nagalit ang tatay ko nang malaman ang kalagayan ko kaya nasa bahay ako ngayon ng boyfriend ko.

Kalbaryo po mula pa noong unang salta ako sa bahay ng nanay ni Tony. Dahil sa hindi magandang trato nila sa akin. Ang sabi pa ng biyenan kong hilaw ay pagpa­sensiyahan ko raw ang kanyang anak dahil uuwi o hindi ito. Isa pa ay hindi rin daw niya kasi mapipilit ang anak na pakasalan ako. Kaya kung siya raw ang nasa katayuan ko ay hindi niya ipagsisiksikan ang sarili.

Sa totoo lang po, hindi ko na matatagalan ang sitwasyon dito. Pero wala na po akong ibang mapupuntahan. Natatakot naman akong umuwi sa bahay namin dahil baka saktan ako ng tatay ko dahil dinu­ngisan ko raw ang aming pamilya.

Pagpayuhan po ninyo ako, Dr. Love. Maraming salamat po.

Gumagalang,

Gilda

Dear Gilda,

Sa kinahinatnan mo, normal na maga­lit ang magulang mo. Lakasan mo ang iyong loob at tanggapin ang galit ng tatay mo. Pero pasasaan ba at huhupa rin ang galit nila. Matatanggap ka nila at magiging magiliw sila sa kanilang apo. Kaya umuwi ka na bago may mangyari sa iyo at sa dinadala mong sanggol.

 DR. LOVE

Show comments