Nagsisisi

Dear Dr. Love,

Magandang araw sa iyo, Dr. Love at sa­lamat kung mapapaunlakan mong mailat­hala ang sulat kong ito.

Tawagin mo na lang akong Rosing, dating­ OFW sa Taiwan. Mayroon akong asawa at isang anak nang lumisan ako ng Pilipinas.

Pinayagan ako ng asawa ko dahil hindi naman malaki ang suweldo niya sa Pilipinas. Naisip kasi namin na kailangang makapag-impok kami para sa aming kinabukasan.

Dalawang taon akong nagtrabaho sa isang pabrika roon. Nasa P100 libo ang sahod ko doon kaya nagawa naman ng mister ko na maipatayo ang aming maliit na taha­nan sa isang subdivision.

Tuwang-tuwa siya nang magbalik ako dahil finish na ang kontrata ko. Pero nagbabalak pa rin akong magbalik sa abroad.

Ang problema ko ay may malaking kasalanan ako sa asawa ko. Habang nasa Taiwan ako ay nagkaroon ako ng relasyon sa aking supervisor doon na isang Taiwanese.

Nakalimot ako at ito’y pinagsisisihan ko. Mabigat sa konsensya ang pinapasan ko ngayon.

Ano ang dapat kong gawin, Dr. Love? Dapat ba akong magtapat sa aking asawa?

Rosing

Dear Rosing,

Una, huwag ka nang magbalik sa Taiwan para maiwasan mo na ang lalaking naging dahilan ng iyong pagkakasala. Ngayon, sa ikapapanatag ng iyong konsensya na sumusurot sa iyo ngayon, dapat kang magtapat sa iyong asawa.

Admonition iyan sa Biblia. Confess your sins to one another. Pero ang mahirap, hindi natin tiyak kung papaano siya magre-react kung magtatapat ka at hihingi ng tawad.

Kung ipaglilihim mo naman ang iyong kasalanan, hindi ka titigilang sumbatan ng iyong budhi. Una sa lahat ay manalangin ka at magbulay at humingi ng tawad sa Diyos. Hingin mo rin ang kanyang direksyon kung paano mo maipagtatapat sa iyong asawa ang naging kasalanan mo.

Dr. Love

Show comments