Pakakasal ba o hindi?

Dear Dr. Love,

Tulad po ng ibang babae na nasa edad na para mag-asawa, ako man po ay na­ngangarap na makatagpo ng aking prince charming. Pero matagal na po akong naghihintay sa wala at ang tanging alok na pakasal ay mula sa isang matagal ko nang matalik na kaibigan na tulad ko ay zero ang lovelife. Dahil malapit na siyang mag-40 anyos gusto na rin niyang mag-asawa at ako ang nabalingan ng kanyang atensiyon.

Gusto ko na sanang patusin ang alok ni Dindo, wala akong feelings para sa kanya. Sabi ni nanay, tanggapin ko na dahil kilala ko raw si Dindo mula paa hanggang ulo; may matino siyang kabuhayan at may aakyatan na akong bahay kapag kami ay naging mag-asawa.

Pero paano kami magsasamang dalawa kung kapwa kami walang damdamin sa isa’t isa? Payuhan mo po ako Dr. Love. Hindi ko po gustong magkamali sa pagpili ng kakasamahin sa buhay.

Gumagalang,

Lita

Dear Lita,

Hanggang hindi pag-ibig ang nagiging pundasyon ng isang magkarelasyon, hindi ito dapat mauwi sa kasalan. Para wala kang pagsisihan, i-try na bigyan ng chance na mas maging malapit kayo higit pa sa kaibigan, kung hindi, kalimutan mo na ang alok niya. May ibang paraan pa naman para makakilala ka ng lifetime partner in life, na talagang mai-in love ka, widen your horizon. Go out and be with other friends.

DR. LOVE

 

Show comments