‘Makipagdayalogo, hindi strike’

Palasyo sa transport groups

MANILA, Philippines — Nanawagan ang Malacañang sa mga transport group na makipagdayalogo sa pamahalaan sa halip na magsagawa ng transport strike kaugnay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado bunsod ng umiigting na tensyon sa Middle East.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, kinikilala ng gobyerno ang mga hamong kinakaharap ng mga tsuper at operator dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Subalit giit ni Castro, hindi transport strike ang tamang solusyon sa problema. Aniya, mas nais ng pamahalaan ang pag-uusap at negosasyon upang malaman ang mga hinaing ng sektor. Kung kailangan ng transport rally, maaari itong pag-usapan sa tamang paraan.

Dagdag pa niya, ang strike ay lalo lamang magpapahirap sa mga commuter at hindi makatutulong sa ekonomiya. Bukas umano ang pamahalaan sa pakikipag-usap at handang pakinggan ang mga hinaing ng transport groups upang makahanap ng mapayapa at praktikal na solusyon.

Bagama’t kinikilala ng gobyerno ang karapatan ng mga grupo na magpahayag ng saloobin sa pamamagitan ng protesta, binigyang-diin ni Castro na ang matagal na pagkaantala ng transportasyon ay higit na magpapabigat sa mga mananakay.

Show comments