K12 program ng gobyerno, bigo
Sa pagtatanggal sa SHS
MANILA, Philippines — Ang direktiba ni CHED Chairman Prospero de Vera III na alisin na ang Senior High School (SHS) programs sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs) ay testament sa kabiguan ng K12 program ng pamahalaan.
Ayon kay Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, simula’t sapul ay tutol na ang mga estudyante at magulang sa K-12 program dahil dagdag gastos ito. Hindi rin umano totoo na tatanggapin agad sa trabaho ang mga nakapagtapos ng SHS dahil college graduates pa rin ang kinukuha ng mga kumpanya.
“Tapos ngayon, basta na lang tatanggalin ng gobyerno ang SHS sa mga pampublikong unibersidad. Mapipilitan ang mga estudyante na pumasok sa mga pribadong paaralan na mas mahal ang matrikula o kaya naman ay tumigil sa pag-aaral,” ayon kay Brosas.
Base sa Memorandum ng CHED noong Disyembre 18, pinayuhan nito ang mga SUCs at LUCs na ipatigil na ang SHS programs.
Dahil sa nasabing hakbangin ay mapagkakaitan ng karapatan ang mga estudyante sa nasabing antas sa kalidad ng edukasyon, ani Brosas.
“Ang mangyayari sa kanila you go to the private schools eh hindi na minsan kaya na mag-aral dahil in fact ang ina-address nitong senior high school sa state universities ay ang usapin ng dropouts,” ani Brosas dahil hindi naman aniya lahat ng pamilya ng mga estudyante ay may sapat na kakayahang pinansyal para mag-aral sa mga pribadong eskuwelahan.
Aniya, bukod dito ay kulang na kulang pa rin umano ang pasilidad sa public schools sa bansa na dagdag pasakit sa mga estudyante.
- Latest























