^

Bansa

Phivolcs, nagbabala sa patuloy na pagbuga ng gas ng Taal

Mer Layson - Pilipino Star Ngayon
Phivolcs, nagbabala sa patuloy na pagbuga ng gas ng Taal
This undated photo shows Taal Volcano.
The STAR / Michael Varcas, file

MANILA, Philippines — Binalaan kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang publiko hinggil sa patuloy na ‘degassing acti­vity’ o pagbuga ng gas mula sa Bulkang Taal.

Sa Taal Volcano advisory ng Phivolcs nitong Linggo, nagkaroon nang pagbuga ng gas mula sa Taal, na sinabayan ng pagluwa sa lawa ng Main Crater na lumikha ng makapal na usok na umabot hanggang 3,000 metro mula sa Taal Volcano Island (TVI). Ito anila ay lumikha ng volcanic smog o vog sa kapaligiran ng bulkan.

“Naiulat ang vog ka­ninang umaga (Linggo) ng mga mamamayan ng Munisipyo ng Balete, Laurel at Agoncillo, Batangas. Nagbuga ang Taal Main Crater ng 5,831 tonelada kada araw na volcanic sulfur dioxide o SO2 gas noong 1 Hunyo 2023, mas mataas sa average na 3,556 tonelada kada araw nitong nakalipas na buwan,” dagdag pa ng Phivolcs.

Kaugnay nito, pinaalalahanan naman ng Phivolcs ang publiko na ang vog ay binubuo ng mga pinong droplet na naglalaman ng volcanic gas tulad ng SO2 na acidic at maaaring magdulot ng pangangati ng mata, lalamunan at respiratory tract na may kalubhaan depende sa mga konsentrasyon ng gas at tagal ng pagkaka­lantad.

Ang mga komunidad na maaaring maapektuhan ng vog ay pinapayuhang limitahan ang mga aktibidad sa labas at sa halip ay manatili na lamang sa bahay.

Mas makabubuti ­anila kung puprotektahan ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsuot ng N95 facemask.

Payo pa ng Phivolcs, uminom ng maraming tubig upang mabawasan ang anumang pangangati o paninikip ng lalamunan.

Dagdag pa nito, kung magkaroon ng paglala o matinding pagbabago sa mga monitoring parameters, maaaring itaas muli ang antas ng alerto sa Alert Level 2.

Babala pa ng Phi­volcs, sa kasalukuyang Alert ­Le­vel 1, maaaring maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, volcanic earthquakes, manipis na ashfall at pag-ipon o pagbuga ng mga nakalalasong gas sa kapaligiran ng TVI.

vuukle comment

PHIVOLCS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with