Ex-Governor Teves may private armed group - Task Force

Iprinisinta ni Special Task Force Degamo head at Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, kasama sina PNP Chief Rodolfo Azurin Jr., AFP chief Andres Centino sa isang presscon ang nasamsam na mga armas at pampasabog sa sugar mill compound ni dating Negros Oriental governor Pryde Teves sa bayan ng Sta. Catalina.
Jesse Bustos

MANILA, Philippines — Kumbinsido ang Special Task Force Degamo na may private armed group si dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves matapos ang pagkakadiskubre ng mga baril, bala at explosives.

Sa isinagawang press conference sa Camp Crame, iisa ang pahayag nina DILG Secretary Benhur Abalos, Jr, PNP Chief Gen. Rodolfo Azurinz, Jr. at AFP Chief Gen. Andres Centino na may grupo si Teves batay na rin sa nahukay na mga matataas na kalibre ng baril, bala at pampasabog sa compound ng sugar mill sa Sta. Catalina.

Ayon kay Azurin, posibleng nagamit o gagamitin pa ang mga nahukay na armas subalit naagapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nang salakayin sa bisa na rin ng search warrant.

Aniya, agad niyang inutos ang pagsasailalim sa imbestigasyon ng Firearms and Explosive Office (FEO) ang mga nahukay na armas lalo pa’t hindi dapat nasa pag-iingat ng subject ng warrant tulad ni Teves ang mga matataas na kalibre ng baril at mga pampasabog.

Binigyan diin naman ni Centino na sa rami pa lamang ng mga nakuhang mga baril at pampasabog, posibleng nagamit ito sa mga criminal activities.

Sinabi naman ni Abalos na walang indibiduwal na mag-iipon ng sangkaterbang armas at mga pampasabog kung walang gagawing krimen.

Kaugnay nito, naniniwala rin si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na criminal organization ang nasa likod ng pagpatay kay Degamo.

Ang organisasyong ito umano ang responsable rin sa serye ng patayan sa Negros Oriental gayundin ang illegal gambling at iba pang illegal activities.

Show comments