Marcos Jr., lumipad na pa-Japan

MANILA, Philippines — Nagtungo na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Japan nitong Miyerkules ng tanghali para sa isang official visit.
Ayon sa Malacañang, layunin ng biyahe ng Pangulo na palakasin ang pagtutulungan ng Maynila at Tokyo sa maraming areas kabilang ang agrikultura, renewable energy, digital transformation, depensa at imprastraktura.
Sa kanyang departure speech, sinabi ng Pangulo na mahalaga ang kanyang bilateral visit sa Japan dahil bahagi ito ng mas malaking foreign policy agenda upang mas magkaroon ng malapit na ugnayang pampulitika, mas malakas na depensa, at pakikipagtulungan sa seguridad sa mga major countries sa rehiyon.
Kabilang sa agenda ang pakikipagpulong kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida at audience kay Emperor Naruhito.
Layunin din ng pulong ni Marcos kay Kishida ang masuri ang bilateral na relasyon at kooperasyong panrehiyon.
Inaasahan din na lalagdaan sa pagbisita ni Marcos ang mga pangunahing kasunduan sa mga larangan ng humanitarian assistance at disaster relief, imprastraktura, agrikultura at digital na kooperasyon.
- Latest