248 Pinoys sa Turkey, nanawagan ng tulong

MANILA, Philippines — Tinatayang 248 mga Filipino sa Turkey ang naapektuhan ng 7.8 magnitude na lindol na tumama sa nasabing bansa at sa Syria nitong Lunes.

Sinabi ni Ambassador Maria Elena Algabre, na sa ngayon ay walang naiulat na Pinoy na nasawi o nasugatan sa malakas na paglindol.

Subalit ang may Pinoy umano doon ay lubhang apektado dahil maraming gusali ang nawasak, wala ring ilaw, malamig at umuulan.

May mga Filipino na rin umano ang umalis sa kanilang mga gusali dahil hindi ligtas at gumuho na kaya nagtungo sila sa shelter habang ang iba naman ay kinukupkop ng mga kaibigan na nasa ligtas na mga lugar.

Ayon pa kay Algabre, nakapagtala na ng 78 aftershocks kung saan ang ilan dito ay malakas at naramdaman sa rehiyon.

Samantala nagpasaklolo naman ang Pinay na si Caroline Cengiz na limang taon nang naninirahan sa Turkey sa embahada ng Pilipinas.

Giit ni Cengiz, kailangan nila ng unan, kumot na mahalaga anya dahil taglamig doon, tubig, pagkain at emergency light.

Ito ay dahil maging ang Turkish government umano ay hindi pa nakakapagbigay ng tulong.

 

Show comments