COVID-19 allowance ng health workers, tuloy - Marcos

Health workers attend to patients at the Mandaluyong City Medical Center on Wednesday (January 5, 2022).
STAR/Walter Bollozos

Kahit tapos na state of calamity

MANILA, Philippines — Patuloy na tatanggap ng COVID-19 allowance ang mga health workers kahit matapos na ang state of calamity sa bansa dahil sa pandemya, base sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nag-expire ang state of calamity noong ­Disyembre 31, 2022.

“Tuluy-tuloy ‘yan... ‘Yung inaalala ko dati na hindi matutuloy ang compensation para sa ating health workers, ‘yung mga health workers, ‘yung allowance nila ay pinag-aralan namin nang mabuti kahit hindi itinutuloy ang state of calamity ay hindi maapektuhan ang pagbayad doon sa ating mga health workers ng kanilang mga benefits,” ani Marcos.

Nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 929, na nagdedeklara ng state of calamity sa buong bansa noong Marso 2020, nang magsimulang kumalat ang COVID-19 sa bansa.

Ang state of calamity ay dapat tumagal lamang ng anim na buwan ngunit pinalawig ng isang taon hanggang Setyembre 12, 2021, sa pamamagitan ng Proclamation No. 1021, at pinalawig sa pangalawang pagkakataon sa pamamagitan ng Proclamation No. 1218.

“Pababa naman nang pababa ang ating cases, pababa nang pababa naman ang ating hospitalization, ‘yun ang binabantayan natin. So titingnan natin,” ani Marcos.

Tinukoy din ni Marcos na hindi na kailangang magmadali na makakuha ng bakuna dahil bumababa na ang “risk” ng hawaan.

Ayon pa kay Marcos, ang pasilidad ng COVAX, na pinamumunuan ng World Health Organization (WHO), ay nagpadala sa Pilipinas ng halos 1.3 milyong doses ng bakuna.

Ang nasabing bilang ay sapat na para sa bansa sa ngayon dahil sa pagbaba ng impeksiyon.

Show comments