P1.04 bilyong sa COVID-19 risk allowance sa healthcare workers, aprub na
MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng gobyerno ang P1.04 bilyong halaga ng Special Allotment Release Order para sa ‘special risk allowance (SRA)’ ng mga kuwalipikadong health workers na sangkot sa COVID-19 health care.
Sa pahayag ng Department of Budget and Management (DBM), inaprubahan nitong Oktubre 3 ang SARO na sasakupin ang nasa 55,211 healthcare workers.
Makatatanggap ang bawat HCW ng P5,000 sa kada buwan na nagsilbi sila habang nasa ilalim ng State of National Emergency ang bansa.
Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na ang pagpapalabas ng pondo ay bilang pagsunod rin sa Bayanihan to Recover as One ACt.
“We understand and recognize the selflessness and immense sacrifice that our health workers continue to pour out throughout these turbulent times. Isa po itong paraan sa pagkilala sa kanilang sakripisyo,” sabi ni DBM Secretary Amenah F. Pangandaman.
Inaprubahan din ang RA No. 11712 nitong Abril 2022 para sa pagpapatuloy ng pagbibigay ng mga benepisyo sa mga HCW hanggang ngayon. Pinalitan ang SRA ng Health Emergency Allowance (HEA), na magdedepende ang matatanggap na halaga base sa ‘risk exposure’ ng isang HCW.
- Latest