Paglipat ng tanggapan ng OVP, hindi luho

MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Office of the Vice President (OVP) na hindi luho ang ginawa nilang paglipat sa kanilang bagong tanggapan sa Mandaluyong City, kundi nais lamang nilang maging episyente ang pagkakaloob ng serbisyo sa mga mamamayan.

Sa isang video message sa mga mamamahayag, nagpaliwanag si OVP Spokesperson Reynold Munsayac hinggil sa desisyon ni Vice President Sara Duterte na lumipat ng headquarters, mula sa Quezon City Reception House, kung saan dating nag-oopisina si dating VP Leni Robredo, kasunod ng mga kritisismo na umano’y luho lamang ito.

Ayon kay Munsayac, noong nakaraang admi­nistrasyon, dalawa ang lokasyon ng OVP, kabilang aniya dito ang Quezon City Reception House sa New Manila, na isang magandang lugar naman at magandang lokasyon.

Gayunman, marami aniyang empleyado ng OVP ang pumapasok naman sa Ben-Lor Building sa Quezon Avenue.

Nang puntahan aniya nila ang naturang lugar, nakita nilang masikip ito at siksikan ang mga empleyado kaya’t ang iba sa kanila ay kinakailangang maghati lamang ng mesa.

Ito aniya ang dahilan kung bakit nagpasya ang OVP na lumipat ng bagong tanggapan, kung saan maaaring magreport ang lahat ng empleyado sa trabaho at episyenteng makapagbigay ng serbisyo.

Show comments