LTO hinimok mga LGU itigil 'no contact apprehension policy'

Slow moving traffic due to heavy volume of motorists plying the northbound lane of EDSA in Mandaluyong City on October 27, 2021. The MMDA said that vehicle volume is now back to pre-pandemic levels and may further increase as Metro Manila may possibly ease to Alert Level 2 with the downward trend in new daily COVID-19 cases.
Miguel De Guzman, file

MANILA, Philippines — Hinimok ng Land Transportation Office (LTO) ang mga lokal na pamahalaan na suspendehin at suriing muli ang kanilang batas trapiko na "no contact apprehension policy."

Sa isang pahayag, sinabi ni LTO chief at Transportation Assistant Secretary Teofilo Guadiz III na ang mga operator ng public utility vehicle ay nagrereklamo sa pagbabayad ng mga multa ng mga traffic violation ng kanilang mga drayber.

“Ito po ay pinag-aaralan namin ngayon. Tila po may kakulangan sa policy na maaaring kailangang repasuhin upang ang mismong drayber o nagmamaneho ng sasakyan ang dapat na managot sa paglabag,” sambit niya.

Ani Guadiz, batay kasi sa naturang polisiya, ang mga rehistradong may-ari ng mga behikulo ay dapat magbayad para sa mga traffic violation na ginawa ng kanilang mga sasakyan dahil sa command responsibility at dahil sa sila rin daw ang nagmamaneho nito.

Dagdag pa rito, inabisuhan din ng LTO chief ang mga local government unit (LGU) na makipag-ugnayan sa kanilang ahensya at plantsahin ang mga alituntunin ng no contact apprehension policy.

Giit niya, ang mga LGU at MMDA ang nagpapatupad ng naturang batas trapiko at tumutulong lang ang LTO sa pamamagitan ng pagbibigay alarma sa kanila tungkol sa sasakyang nakagawa ng violation.

Bukod dito, binigyang-pansin din ng opisyal ang ilang pagkakataon kung saan naibenta na ang sasakyan sa ibang may-ari ngunit hindi pa rehistrado sa LTO ang paglilipat ng ownership.

Nito lamang Linggo nang umapela ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines sa Department of Transportation at iba pa nitong opisina na payagan silang ilipat ang ownership ng mga sasakyang hindi na nila pagmamay-ari dahil sa mga naturang isyu. — Philstar.com intern Vivienne Audrey Angeles

Show comments