Inflation bumilis sa 6.1% noong Hunyo

Sinabi ng PSA na pumalo sa 6.1 porsiyento ang inflation rate sa bansa nitong Hunyo, ang pinakamataas sa loob ng 3 taon.
STAR / File

MANILA, Philippines — Bumilis ang inflation o pagmahal ng bilihin at serbisyo noong Hunyo, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sinabi ng PSA na pumalo sa 6.1 porsiyento ang inflation rate sa bansa nitong Hunyo, ang pinakamataas sa loob ng 3 taon.

Tumaas umano ang food inflation sa 6 porsiyento dahil sa pagmahal ng presyo ng karne at manok.

Sumipa naman ang transport inflation nang 17.1 porsiyento dahil sa taas ng presyo ng gasolina at pamasahe.

Dahil dito, lumiit lalo ang halaga ng piso kaya mas kaunti ang nabibili ng publiko.

“Dahil tumataas [ang] inflation through the years, bumababa ‘yong ating purchasing power of peso,” sabi ni National Statistician Dennis Mapa.

Ito na ang ika-apat na buwan na patuloy na umaarangkada ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.

Ayon sa PSA, mas mabilis ito sa 5.4 percent inflation noong Mayo 2022.

Malaki rin ang iniangat ng inflation nitong Hunyo kumpara sa 3.7 percent na naitala noong Hunyo 2021.

Matatandaang pumalo sa 6.9 percent ang inflation noong Oktubre 2018.

Ayon sa PSA, hindi pa tapos ang taas-presyo sa mga bilihin dahil sa paghina ng piso at sitwasyon sa ibang bansa na nakakaapekto sa pandaigdigang ekonomiya.

Show comments