RT-PCR test, travel insurance sa biyaherong bakunado, inalis na

MANILA, Philippines — Hindi na kailangang magprisinta ng negatibong resulta ng reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test ang mga biyaherong Filipino at banyaga na papasok sa Pilipinas simula sa Mayo 30.

Ayon kay acting De­puty Presidential Spokesperson at Communications Undersecretary Michel Kristian Ablan, ang bagong panuntunan ay nakapaloob sa resolusyong inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Sa Resolution 168 ng IATF, ang mga papasok na biyahero sa bansa ay hindi na hihingan ng resulta ng RT-PCR test sa kondisyon na sila ay 18 taong gulang pataas at naturukan ng kahit isang COVID booster shot.

Hindi rin hiningan ng pre-departure RT-PCR requirement ang mga edad 12-17 na nakatanggap na ng dalawang COVID-19 vaccine shots at mga bata na wala pang 12-anyos na kasama ng isang fully vaccinated o boosted parents o guardians.

Tinanggal na rin ng IATF sa pinakahuling resolusyon ang travel ­insurance requirement para sa mga papasok na biyahero.

Nauna rito, maaari lamang makapasok sa Pilipinas ang mga biyahero na may travel insurance para sa COVID-19 treatment na ang minimum coverage ay USD35,000 para sa panahon na nanatili sila sa bansa.

Kailangan pa rin ng mga biyaherong kumpleto ang bakuna na ipakita nila ang katibayan na sila ay bakunado na at pasaporte na valid sa loob ng panahon na sila ay nasa bansa o anim na buwan buhat nang dumating sa Pilipinas.

Show comments