^

Bansa

'Matuloy kaya?': Marcos nangakong iprayoridad anti-endo bill kung wagi sa 2022

James Relativo - Philstar.com
'Matuloy kaya?': Marcos nangakong iprayoridad anti-endo bill kung wagi sa 2022
Litrato ni 2022 presidential candidate at dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Released/Bongbong Marcos

MANILA, Philippines — Kung papalaring manalo sa eleksyong 2022, nangangako ang kampo ng anak ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing prayoridad hanggang maisabatas ang panukalang magtitiyak seguridad sa "tenure" ng mga manggagawa sa trabaho — bagay na tinanggihan noon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang sabi ni dating Sen. Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., Miyerkules, matapos iendorso ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang kandidatura ng nauna sa May 2022 elections.

Layon ng Security of Tenure bill na baguhin ang Labor Code upang mas lalong maprotektahan ang karapatan ng mga manggagawa habang ipinagbabawal ang labor-only contracting sa pribadong sektor.

"Kailangan pag-aralan ng husto kung paano ito i-aamend na talagang magbibigay proteksyon ito sa ating mga manggagawa para maisabatas ito," ani BBM sa isang pahayag kanina.

"Kailangang ayusin natin dahil ang ating mga kababayan, napipilitang magtrabaho overseas dahil mababa at hindi maayos ang labor conditions dito."

Kahit na naipasa na ng Konggreso, matatandaang vineto ni Digong ang Security of Tenure and End of Endo Act of 2018 noong 2019 dahil sa "sobra-sobrang pagpapalawak" ng depenisyon ng labor-only contracting, dahilan para i-ban daw nito ang ilang porma nito na "hindi naman nakasasama sa manggagawa."

Tenure, kontraktwalisasyon at labor-only contracting

Sa ilalim ng Labor Code, dapat regular na sa trabaho ang isang tao matapos magtrabaho ng anim na buwang probationary period.

Tumutukoy naman ang security of tenure sa karapatan ng manggagawang hindi basta-basta tanggalin sa trabaho maliban na lang kung may "just cause." Kung bigla silang tanggalin, dapat silang ibalik nang hindi nawawala ang kanilang seniority rights, dapat makuha ang kanilang backwages, atbp. benepisyo.

Sa kabila nito, hindi ito sinusunod sa maraming mga kontraktwal lamang at 'di direktang empleyado ng isang kumpanya. Marami ring tinatanggal sa trabaho bago ang anim na buwang empleyo para maiwasan ang regularisasyon ("endo" o end of contract).

Sa department order 174 series of 2017 ng Department of Labor and Employment (DOLE), tumutukoy ang labor-only contracting sa:

[A]rrangement where the contractor or subcontractor merely recruits, supplies or places workers to perform a job or work for a principal...

Kailangan ding walang sapat na kapital ang isang contractor o subcontractor sa ilalim ng labor-only contracting, maliban pa sa kawalan ng puhunan nila sa mga kagamitan, makinarya, atbp. Bawal ding direktang may kinalaman sa "main business operation" ng principal (pagtratrabahuhan).

Ang mga nasa ilalim ng labor-only contracting, na ipinagbabawal, ay hindi regular na empleyado ng principal.

Hindi pa malinaw kung ang security of tenure bill na itinutulak ni Marcos ay kapareho ng matagal nang panukala ng militanteng Makabayan bloc, kung saan ipagbabawal ang "lahat ng uri ng kontraktwalisasyon at fixed-term employment."

Inendorso dahil lang sa 'utang na loob'?

Ang TUCP, na sinasabing merong 1.2 milyong miyembro, ay isa sa pinakamalaking labor group sa Pilipinas. Inendorso nila ang kandidatura ni Marcos at vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio matapos ang isinagawang mga pulong at konsultasyon sa buong bansa.

Martes lang nang sabihin ni 2022 presidential candidate Ka Leody de Guzman, isang dating manggagawa, na maaring inendorso ng TUCP si Marcos dahil sa ilang kadahilanang hindi naman daw talaga pagbabasehan ng boto ng kanilang kasapian.

"Maaring 'winnability' o utang na loob ang naging batayan ng pamunuan ng TUCP sa desisyong suportahan ang Uniteam. Hindi ako hahadlang sa kanilang kalayaang mag-endorso," sabi niya kahapon.

"Subalit nakatitiyak ako na kung tatanungin ang mga manggagawa sa mga unyong kasapi ng TUCP, hindi ang mga usaping ito ang kanilang batayan sa pagboto kundi kung sino ang kandidatong may track record at plataporma para sa manggagawa at sa pagbabago."

Maliban sa paglaban sa kontraktwalisasyon, ilan sa isinusulong ni De Guzman na wala sa plataporma ni Marcos ang pagtaas ng minimum wage sa P750 sa buong Pilipinas at 20% wealth tax sa 500 pinakamayayamang Pilipino. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag

vuukle comment

BONGBONG MARCOS

CONTRACTUALIZATION

ENDO

LEODY DE GUZMAN

MAKABAYAN BLOC

RODRIGO DUTERTE

WORKER'S RIGHTS

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with