4 na side effects sa nabakunahang mga bata, naitala

A health worker looks at the lists during vaccination of minors at the Pasig City General Hospital on Oct. 15, 2021. The hospital is one of the sites for the pilot run of vaccinations for children ages 12 to 17 years old.
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines — Apat na ‘adverse side effects’ ang namonitor ng Department of Health sa ikinasang bakunahan sa mga kabataan na nasa 12-17 age group.

Umabot naman sa 1,509 bata ang nabakunahan mula nitong Biyernes hanggang nitong alas-8 ng Sabado sa walong pagamutan na isinagawa ang pilot tests ng ‘children vaccination’.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, isang bata ang tumaas ang presyon ng dugo matapos mabakunahan. Matapos ang dalawang oras, nag-normal naman muli ang presyon ng bata.

May isa na nagkaroon ng ‘allergic reaction’ habang dalawa ang tinamaan ng ‘stress’ pero lahat ay nagawang makontrol ng mga health professionals.

Sa kabila nito, sinabi ni Vergeire na ang pagdagsa ng mga bata sa bakunahan ay magandang indikasyon na may kumpiyansa sila sa mga bakuna kontra COVID-19.

Palalawigin ang bakunahan sa mga bata sa 17 ospital sa Metro Manila sa Oktubre 22 upang mas marami ang maabot nito.

 

Show comments