Antigen testing sa COC filing kinontra ng DOH

MANILA, Philippines — Hindi pabor ang Department of Health (DOH) sa plano ng Commission on Elections (Comelec) na gawing ‘requirements’ sa mga magsusumite ng ‘certificate of candidacy (COC)’ at mga sasama dito ang ‘COVID-19 rapid antigen test’.

Matatandaan na sinabi noon ng DOH na hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng rapid antigen tests dahil sa taas ng porsyento ng ‘false positive at false negative results’ nito.

“We do not recommend the rapid antigen test kits to be used as a screening test for people who will vote or for people who’re going to join events,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kahapon.

Kasama sa inilabas na polisiya ng Comelec sa pagsusumite ng ‘COCs’ ng mga kandidato para sa pagka-pangulo, ikalawang pangulo, senador, at party-list, ang negatibong resulta ng rapid antigen tests. Isasagawa ito mula Oktubre 1 hanggang 8.

Bukod sa mga kandidato at mga kasama, kaila­ngan din na magpa-antigen test ang mga tauhan ng Comelec, security personnel, at maging mga tauhan ng media na magko-kober sa okasyon.

Makikipag-ugnayan umano ang DOH sa Comelec sa kung ano ang pinakamabisang testing protocols ang ipatutupad sa pagsusumite ng kandidatura.

Show comments