PCG pinalayas ang 5 Chinese, 2 Vietnamese fishing vessels sa West Philippine Sea

Sa ulat kahapon ng PCG, matagumpay na naitaboy ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang mga dayuhang sasakyang-pandagat nitong Hunyo 30 sa karagatan malapit sa Marie Louise Bank may 147 milya sa El Nido, Palawan.
PCG/Released

MANILA, Philippines — Nagpakita ng ngipin ang Philippine Coast Guard (PCG) makaraang palayasin sa West Philippine Sea (WPS) sa may Palawan ang limang Chinese at dalawang Vietnamese fishing vessels kamakailan.

Sa ulat kahapon ng PCG, matagumpay na naitaboy ng BRP Cabra (MRRV-4409) ang mga dayuhang sasakyang-pandagat nitong Hunyo 30 sa karagatan malapit sa Marie Louise Bank may 147 milya sa El Nido, Palawan.

Unang namonitor ng BRP Cabra ang pitong bangka sa pamamagitan ng radar at automatic identification system. Gamit ang kanilang Long Range Acoustic Device (LRAD), nagsagawa ng ‘radio challenge’ ang mga Pilipinong coast guard dahilan para magsialisan ang mga ito sa bisinidad.

Naiwan sa lugar ang 34 Pilipinong mangingisda na sakay ng F/B Xiroxira na mula sa San Jose, Occidental Mindoro na nasa maayos namang mga kundisyon.

Ayon sa mga mangi­ngi­sda, sa kabila ng presensya ng mga dayuhan ay maayos naman silang nakapangingisda ngayon sa karagatan sa loob na ng dalawang linggo ng hindi sila itinataboy.

Ito ay makaraan ang pananatili sa Julian Felipe Reef ng mga naglalakihang Chinese ships at sa ibang bahagi pa ng karagatan ng bansa.

Show comments