Higit 4K nurses, aalis ng Pinas

Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na nasa 4,610 nurses ang aalis para balikan ang kanilang mga dating trabaho sa mga pinapasukang ospital sa iba’t ibang bansa.
AFP/Joaquin Sarmiento

MANILA, Philippines — Higit 4,000 mga nurses ang nakatakdang lumabas ng Pilipinas para bumalik sa kanilang mga trabaho sa ibang bansa sa kabila ng matinding pangangailangan sa medical frontliners ng mga pagamutan dahil sa COVID-19.

Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na nasa 4,610 nurses ang aalis para balikan ang kanilang mga dating trabaho sa mga pinapasukang ospital sa iba’t ibang bansa.

Nilinaw ni Bello na ang mga nurses ay hindi mga nawalan ng trabaho ngunit mga nagtapos lamang ang mga kontrata na muling ini-renew.

Binanggit din ng kalihim na natanggal na ang ‘employment cap’ na 5,000 para sa mga nurses sa United Kingdom dahil may ‘oversupply’ umano sa Pilipinas. Humihiling pa umano ang naturang bansa na mag-hire ng nasa 2,000 hanggang 3,000 nurses kada buwan.

“Pinag-aralan din natin ’yan, actually may oversupply tayo eh,” ayon kay Bello.

Pinag-aaralan din ngayon ng DOLE ang pagtanggal na rin sa employment cap sa Germany na nais ding mag-hire ng mga Filipino nurses.  Tinitignan umano nila ang pagbalanse sa pagpapadala ng mga manggagagawa sa ibang bansa at pangangailangan ng Pilipinas.

Show comments