101st Malasakit Center binuksan sa Laoag City ni Bong Go

MANILA, Philippines — Personal na pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagbubukas ng ika-101 Malasakit Center sa Governor Roque B. Ablan Sr. Memorial Hospital sa Laoag City, Ilocos Norte.

Ang naturang Malasakit Center ang ikaapat sa Ilocos Region, ang iba ay makikita sa Gabriela Silang General Hospital sa Vigan City, Region I Medical Center sa Dagupan City at sa Ilocos Training and Regional Medical Center sa San Fernando City, La Union.

Dahil dito, ang apat na probinsiya sa Region 1 ay mayroon nang sariling Malasakit Centers.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Senator Go na patuloy niyang isusulong ang mga batas na titiyak upang ang bawat Filipino ay magkaroon ng mabilis na access sa dekalidad na serbisyong pangkalusugan.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health and demography, sinabi ni Go na ang maayos na health services ay kaakibat din ng kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian.

Ipinaliwanag niya na ang sistematikong korap­syon, partikular sa public health sector, ang sumi­sira at nagpapabagal sa paghahatid ng serbisyo sa taongbayan.

Si Go ang nag-akda at nag-isponsor ng Republic Act No. 11463, mas kilala bilang Malasakit Centers Act of 2019.

Ang Malasakit Center ay one-stop shop para mapabilis ang medical assistance programs ng iba’t ibang government agencies kung kaya ang mga pasyente, partikular ang mahihirap at indigent, ay hindi mahirapan sa pag- avail ng mga serbisyo mula sa Department of Health, Department of Social Welfare and Deve­lopment, PhilHealth, at Phi­lippine Charity Sweepstakes Office.

Show comments