Comelec pinababalik sa pwesto si ex-Jaen mayor Austria

MANILA, Philippines — Pinabababa ng Commission on Elections (Comelec) sa pwesto ang kasalukuyang nakaupong alkalde ng Jaen, Nueva Ecija na si Antonio Esquivel.

Ito ang nakasaad sa 3-pahinang kautusan ng Comelec 2nd division na pirmado ni Presiding Commissioner Socorro Inting.

Sa inisyung status quo ante order ng komisyon, inaatasan si Esquivel na “peacefully turn-over” o mapayapang ibigay ang pwesto kay Sylvia Austria.

Ang status quo ante order ay epektibo sa lalong madaling panahon, sa loob ng 60 araw.

Matatandaan na si Austria ay naghain ng petisyon sa Comelec na kumukwestyon sa ilegal umanong panunumpa ni Esquivel bilang alkalde ng Jaen.

Sina Austria at Esquivel ay magkatunggali sa mayoralty race sa Jaen noong 2019, kung saan si Austria ang nanalong kandidato. Ngunit naghain ng protesta si Esquivel.

Samantala, naglabas din ang Comelec ng temporary restraining order (TRO) sa desisyon ni Judge Angelo Perez ng Gapan City RTC branch 87, na nagbunsod ng panunumpa ni Esquivel bilang mayor ng Jaen.

Binigyan naman ng Comelec si Esquivel ng 10 araw, mula sa araw ng pagtanggap ng kautusan, upang magsumite ng tugon.

Show comments