COVID-19 cases sa bansa lumobo sa 410,718, nasa 54.3-M sa buong daigdig

Naka-face mask at face shield ang mga batang ito sa evacuation center ng Bagong Silangan Elementary School habang nagsasagawa ng "story telling" activity ang Quezon City Red Cross Youth
Released/Quezon City Red Cross Youth

MANILA, Philippines — Ngayong nagsisiksikan ang marami sa loob ng evacuation centers bunsod ng bagyong "Ulysses," patuloy naman ang pag-akyat ng bilang ng tinatamaan ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, ayon sa datos ng Department of Health (DOH).

Nadagdagan pa ng 1,148 ang kumpirmadong kaso ng nakamamatay na virus sa Pilipinas ngayong Martes, dahilan para umabot na ito sa 410,718.

Nasa 31 laboratories ang hindi nakapagsumite ng datos, bagay na magpapaliwanag bakit kakaonti lang ang new cases ngayong araw.

"The relatively lower number of additional cases reported today is attributed to the lower laboratory submission compliance (81.33%) for November 15 compared to the previous day (90.91%), and the previous week (88.27%)," sabi ng DOH sa isang pahayag.

"For November 15, only 135/166 accredited labs submitted. Majority (18/31) of the non-submitting labs were unable to submit as they had no operations last Sunday, while 4 were recently-accredited."

Sa kabila niyan, natagpuan ang karamihan ng COVID-19 cases sa mga sumusunod na lugar:

  • Cavite (88)
  • Quezon City (52)
  • Rizal (46)
  • Baguio City (44)
  • City of Manila (44)

Sinasabing nasa 28,313 na lang ang aktibong kaso sa ngayon, matapos maiawas sa datos ang mga gumaling at namatay na sa COVID-19.

"Samantala ay mayroon namang naitalang 186 na [bagong] gumaling at 23 na pumanaw," dagdag pa ng Department of Health (DOH).

Sumatutal, 374 na ang nagre-recover mula sa pathogen habang 7,862 naman ang hindi pinalad at pumanaw.

Tinanggal naman na mula sa total case count ang apat na duplicates sa ngayon, matapos mapag-alamang isa sa kanila ay gumaling na.

Kaugnay niyan, ni-reclassify naman bilang deaths ang mga naunang naibalitang paggaling ng walo katao mula sa COVID-19.

Una nang sinabi ng OCTA Research group na hindi malabong umakyat sa 425,000 hanggang 44,000 ang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas bago matapos ang Nobyembre.

Samantala, tiniyak naman ng Palasyo na magsasagawa na ng mga COVID-19 tests sa mga evacuation centers na pansamantalang tinutuluyan ngayon ng mga lumikas mula sa bagyong "Ulysses."

"Bago pa po 'yan imungkahi 'yan ng OCTA Research Group, eh ina-assure ko po kayo na in place na ho 'yung polisiya ng gobyerno na magbigay po ng COVID testing sa mga evacuation centers," ani pidential spokesperson Harry Roque sa isang briefing.

"At ngayon po ang gagamitin nga po natin para mas marami at mas mabilis ay ang antigen test sa lahat ng ating mga evacuation centers."

Basahin: Palasyo: Free COVID-19 antigen tests ibibigay sa lahat ng evacuation centers

Ayon sa World Health Organization (WHO), 54.3 milyon na ang nahahawaan ng nasabing sakit sa buong daigdig. Sa bilang na 'yan, 1.31 milyon na ang patay.

Show comments