Special session ni Duterte suportado ng mga kongresista

Ang majority at minority bloc ng Kamara ay tatalima sa nais ni Pangulong Duterte na magsagawa ng special session sa Oktubre 13 hanggang 16.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Nakahanda na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa isasagawang special session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na linggo na naglalayong ayusin at tapusin ang deli­berasyon sa P4.506 trilyong 2021 national budget ng pamahalaan.

Ang majority at minority bloc ng Kamara ay tatalima sa nais ni Pangulong Duterte na magsagawa ng special session sa Oktubre 13 hanggang 16.

Sinabi nina Majority Leader Martin Romualdez at Minority Leader Bienvenido Abante Jr. na handa silang makipagkooperasyon at suportahan ang apela ng Pa­ngulo sa madaling pagpapasa ng General Appropriations Bill (GAB) na krusyal sa pagtugon ng pamahalaan sa pandemyang dulot ng COVID 19.

“The House leadership will immediately act next week on the request of President Rodrigo Duterte to pass the proposed P4.5-trillion national

budget for 2021 on third and final reading,” pahayag ni Romualdez.

Inihayag naman ni Abante na welcome rin sa minorya ang naging aksyon ng Pangulo matapos maapektuhan ng girian sa speakership sa pagitan nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ang pagpapasa sa national budget.

Una nang nagpaikot ng manifesto ang kampo ng mga mambabatas sa Kamara para sa pagbabalik sesyon pero dahilan sa utos na special session ni Pangulong Duterte ay hindi na ito kailangan.

Show comments