Pagbibitiw ni Speaker Cayetano, ibinasura

“I’m offering my re-signation, my dear colleagues. My fate and the fate of the 2021 budget, and the fate of the leadership of the House is in your hands,” pahayag ni Cayetano sa kaniyang privilege speech kahapon.

MANILA, Philippines — Tinanggihan ng mga kongresista ang hiling ni Speaker Alan Peter Caye­tano na magbitiw bilang Speaker ng mababang kapulungan ng Kongreso.

“I’m offering my re-signation, my dear colleagues. My fate and the fate of the 2021 budget, and the fate of the leadership of the House is in your hands,” pahayag ni Cayetano sa kaniyang privilege speech kahapon.

Gayunman, nagmosyon si Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor na tinutulan ang alok na pagbaba sa puwesto ni Cayetano at imungkahi ang nominal voting.

Bagama’t nagkaroon aniya ng kasunduan o gentleman’s agreement noong 2019 ay magkaiba naman ang sirkumstansya ngayon.

Dahil sa ngayon aniya ang bansa ay nasa isang barko na dumadaan sa isang bagyo.

Sinegundahan naman ni 1st District Bulacan Rep. Antonio Sy-Alvarado ang nasabing mosyon.

Sa botong 184-1-9 ay napanatili ni Cayetano ang pagiging Speaker ng Kamara hanggang sa pagpapalit ng liderato sa Oktubre 14.

“With the 184 affirmative vote, the House rejects the offer of resignation of Speaker Alan Peter Cayetano,” pahayag ni Deputy Speaker Raneo Abu na siyang nag-preside sa plenaryo.

Sinabi ni Cayetano na sa pakikipagpulong nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kay Pa-ngulong Rodrigo Duterte nitong Martes ng gabi ay tatlong beses na pinakiusapan ng Pangulo si Velasco na sa Disyembre na lamang ang palitan ng liderato dahil kailangan pang ipasa ang P4.506 trilyong 2021 national budget pero tumanggi ito.

Target ng Kamara na ipasa ang 2021 national budget bago magbakasyon ang Kongreso sa Oktubre 17 hanggang Nobyembre 15.

Alinsunod sa term sha­ring deal, si Cayetano ay mauupong Speaker sa loob ng 15 buwan o hanggang Oktubre at hahalili dito si Velasco sa loob ng 21 buwan ng ika-18thCongress o hanggang Hunyo 2022.

Show comments