Pagbaha, pagkasira ng Wetland park idudulot ng reclamation project ng Parañaque government - Villar

MANILA, Philippines — Kinontra ni Senator Cynthia Villar ang reclamation project na isinusulong ng Parañaque local government dahil magdudulot aniya ito ng matinding pagbaha sa Cavite, Parañaque at Las Piñas at makasisira sa Las Piñas-Parañaque Wetland Park.

Ginawa ni Villar, chairperson ng Committee on Environment and Natural Resources, ang pahayag bilang tugon sa nakatakdang public hearings sa Oktubre 1 at 2 para sa pagtatayo ng 287 ektaryang artipisyal na isla sa baybayin ng Manila Bay na sakop ng Parañaque.

Makasisira rin aniya ang naturang proyekto sa 35 ektaryang mangrove forest na tirahan ng mga isda sa Manila Bay at pinagkukunan ng kabuhayan ng 300,000 mangingisda dito.

Kinontra rin ni Villar ang pahayag ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez, ang project proponent, na mapipigil ang  pagbaha ng Imus catchment basin.

“According to former DPWH Secretary Singson, the Cavitex Expressway is supposed to be a viaduct based on the plan. However, they reclaimed Manila bay and constructed the expressway on top of the reclaimed road which causes so much flooding in Imus, Bacoor and other places in Cavite,” ani Villar.

Umapela rin si Villar sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ikonsidera ang buffer zone ng wetland park bago aprubahan ang anumang reclamation sa nasabing lugar.

Show comments