Pagbubukas ng klase inurong sa Oktubre 5.

Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, batay ito sa natanggap nilang memorandum mula sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Inanunsyo kahapon ng Department of Education (DepEd) na sa Oktubre 5, 2020 na ang pagbubukas ng klase sa pribado at pampublikong paaralan sa bansa sa halip na Agosto 24.

Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, batay ito sa natanggap nilang memorandum mula sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“As per the memorandum of the President, he has given approval to the recommendation of DepEd. Thus, we will now implement such a decision to defer the school opening to October 5 pursuant to Republic Act No. 11480,” wika ni Briones.

Sinabi ni Briones na gagamitin daw nila ang panahon para ayusin ang ilang mga problema, partikular sa logistics bunsod ng pagsasailalim ng Metro Manila at ilang mga karatig-lalawigan sa modified enhanced community quarantine (MECQ).

Una rito ay inirekomenda ni Sen. Bong Go na iurong ang pagbubukas ng klase sa Oktubre para mabigyan ng sapat na panahon ang mga mag-aaral, guro at paaralan na makapaghanda.

Ayon naman kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) Secretary General Raymond Basilio kailangang ipagpaliban ang pasukan sa August 24 dahil marami pang dapat ayusin at hindi pa handa ang mga paaralan na ang iba ay ginagamit para sa isolation at quarantine hanggang Disyembre.

Sinabi ni Basilio na wala pang learning module ang mga paaralan na gagamitin ng mga guro para sa kanilang mga estudyante dahil sa pagkabalam ng pagpapalabas ng pondo ng DepEd para dito.

Wala rin umanong pondo ang mga paaralan dahil sapat lamang para sa unang quarter ng kasalukuyang school year ang kanilang budget na laan para sa buong taon.

Maaari rin umanong malagay sa peligro ang kalagayan ng mga guro, mga magulang at mag-aaral kung walang postponement ng simula ng klase sa panahong ito na patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.   — Malou Escudero ,Gemma Garcia

Show comments