Kaso ng COVID-19 sa 'Pinas pumalo sa 139,538 matapos ang dagdag na 2,987

Nakapila ang mga residenteng ito mula sa Taytay, Rizal sa isang remittance center para makakuha ng ayuda mula sa social amelioration program (SAP) ng gobyerno, ika-11 ng Agosto, 2020 habang suot ang kani-kanilang face shields sa ibabaw ng kanilang mga face masks kontra COVID-19
The STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines (Updated 5:09 p.m.) — Wala pa ring awat ang coronavirus disease (COVID-19) sa pagdapo sa mas maraming tao sa bansa sa patuloy na pananalasa ng pandemya sa Pilipinas, Martes, ayon sa huling ulat ng Department of Health (DOH).

Iniulat kasi ngayong araw ng kagawaran ang 2,987 pang kumpirmadong pasyente ng sakit, bagay na nagtutulak sa kabuuang talaan sa 139,538.

Ibinase ang mga bagong mga numero mula sa mga tests na ginawa ng 74 lang mula sa kabuuang 99 na lisensyadong laboratoryo.

Karamihan sa mga bagong reported cases ay galing sa mga sumusunod na lugar:

  • National Capital Region (1,150)
  • Cavite (398)
  • Laguna (144)
  • Iloilo (135)
  • Cebu (119)

"Merong 87 [pasyenteng] naulit na tinanggal mula sa kabuuang case count. Sa bilang na 'yan, apat na recovered cases ang tinanggal," paliwanag ng DOH sa Inggles.

"Kaugnay niyan, tatlong kaso ang unang naiulat na gumaling ngunit napag-alamang namatay na pala nang muling silipin. Idinagdag na sila sa mga bagong bilang ng namatay."

Pero kung iaawas diyan ang mga gumaling at namatay na sa nasabing virus, 68,794 na lang ang matitira — ang tunay na mahalagang datos na kung tawagin ay "active cases."

Samantala, patay naman na mula sa kinatatakutang karamdaman ang 2,312 kaso sa bansa. Mas marami 'yan nang 19 kumpara sa naibalita kahapon.

"Sa 19 namatay, walo (42%) ang nanyari noong Agosto, pito (37%) ay noong Hulyo, isa (5%) ay noong Hunyo at tatlo (16%) ay noong Abril," dagdag pa ng DOH. Karamihan sa mga ito ay nangyari sa Metro Manila, Na nangunguna para rin sa arawang case tally ng gobyerno.

Pero sa kabutihang-palad, higit na mas marami pa rin ang nagre-recover sa COVID-19 sa bansa na pumapatak na sa 68,432.

Kanina lang nang pasalamatan ni presidential spokesperson Harry Roque ang Russia dahil sa pangako nitong magbigay ng bakuna sa Pilipinas oras na maihanda na ito.

Tiniyak din ni Roque na handa si Pangulong Rodrigo Duterte na "isugal ang sariling buhay" sa pamamagitan ng pagsubok sa mismong gamot.

"Kung kinakailangan na isugal ang buhay niya, para masigurado na itong vaccine na ito ay makakasalba ng buhay dito sa Pilipinas, gagawin po niya 'yun," panuinuguro ni Roque.

"Handa po siyang ialay ang buhay para isalba ang buhay ng ating mga kababayan."

Humantong naman na sa pagtuntong sa 19.71 milyon ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong daigdig. Sa taya ng World Health Organization, 728,013 na sa kanila ang namamtay.

Show comments