Duterte: Task Force vs PhilHealth anomaly buuin!
MANILA, Philippines — Pinakikilos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Justice (DOJ) para bumuo ng isang Task Force na mag-iimbestiga sa sinasabing matinding katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, inatasan ni Duterte si Justice Secretary Menardo Guevarra na bumalangkas ng Task Force na kabibilangan ng Office of the Ombudsman, Commission on Audit, Civil Service Commission, Office of the Executive Secretary, Office of the Special Assistant to the President, at iba pang ahensya gaya ng Presidential Anti Corruption Commission.
Magiging malawak aniya ang trabaho ng task force at hindi lang limitado sa imbestigasyon.
Magkakaroon din ito ng kapangyarihan na magpataw ng preventive suspension, ipakulong ang mga sangkot at magsagawa ng lifestyle check.
Sabi pa ni Roque, tila napapagod na kasi ang Pangulo sa kaliwa’t kanang imbestigasyon sa PhilHealth pero tila wala naman nangyayari.
Sabi rin ni Roque, ang preventive suspension ay para hindi maimpluwensiyahan ng mga taga-PhilHealth ang isinasagawang imbestigasyon o di kaya ay ma-tamper o masira ang mga ebidensya na maaaring magamit laban sa kanila,” dagdag ni Roque.
Binigyan ng Malacañang ang DoJ ng 30 araw para magsumite ng kanilang findings at rekomendasyon.
Kinumpirma naman ni Sec. Guevarra na natanggap na niya ang memo mula sa Malakanyang at kanila nang binubuo ang isang high level task force.
Nitong linggo ay sinabi ni Roque na pinagkakatiwalaan pa rin ni Duterte si PhilHealth president and CEO Ricardo Morales sa kabila ng mga isyu ng katiwalian sa ahensiya.
Nauna rito, sinabi ni Sen. Bong Go na inirekomenda niya kay Pangulong Duterte ang paglikha ng task force na mag-iimbestiga sa mga anomalyang nakapalibot sa ahensiya.
- Latest