^

Bansa

'Wala pa sa rally': 5 PISTON members arestado habang papunta ng SONA protests

James Relativo - Philstar.com
'Wala pa sa rally': 5 PISTON members arestado habang papunta ng SONA protests
Litrato ng ilang militanteng grupong kasali sa mga State of the Nation Address (SONA) protests ngayong 2020 bago ang talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte mamayang 4:00 p.m.
Released/PAMALAKAYA

MANILA, Philippines — Wala pa mang tanghali, sinasabing limang militante na ang arestado ilang oras bago ang nakatakdang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, Lunes ngayong hapon.

Sa tweet ng PISTON, isang grupo ng mga progresibong jeepney driver, sinasabing aabot sa limang tsuper ang inaresto sa Quezon City Circle bandang 8:30 a.m. kahit wala pa mismo sa lunsaran ng protesa.

"Ang sabi ko nga, 'Bakit naman hinuli? Eh wala pa naman doon sa aktwal na protesa, papunta pa lang... nasa biyahe pa lang?'" ani PISTON national president Mody Floranda sa panayam ng PSN.

"Hindi pa ito nag-aassembly. Papunta pa lang eh... Actually hindi pa tipunan, papunta pa lang sila. Nasa jeep, nakasakay sa jeep papunta pa lang ng [Unibersidad ng Pilipinas]... Nasa biyahe pa lang."

Kinumpirma naman ng Philippine National Police na hinuli nila ang mga tsuper, na sa kanilang ulat ay apat lang, at dinala sa Camp Caringal bago hainan ng mga reklamo.

Pero ayon kay National capital Region Police Office chief Debold Sinas, hindi protesta ngunit ang paggamit ng tradisyunal na jeep ang dahilan ng panghuhuli. 'Yan ay kahit pampasadang jeep lang ang pinagbabawalan.

"Hindi namin sila basta-bastang pakakawalan nang walang kaso para at least maramdaman nila that we mean business," ani Sinas sa isang briefing, na dawit sa sariling kontrobersiya dahil sa kanyang birthday mañanita (hindi party). Bawal pa kasi ang anumang uri ng mass gatherings noong enhanced community quarantine pa.

May kaugnayan: 'Mahiya kayo': Pagdepensa ng PNP sa ECQ bday bash ng NCRPO chief kinastigo

Nasa 8,000 kawani ng pulisya ang itinalaga ng gobyerno sa lugar na pagdarausan ng SONA ni Duterte, na kanyang ide-deliver sa Batasang Pambansa. Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, 4:00 p.m. magsisimula ang talumpati ng presidente.

Bagama't una nang sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na papayagan niya ang mga protesta ngayong araw, matatandaang binawi niya ito matapos idiin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bawal ang anumang "mass gaterhings" bunsod ng banta ng coronavirus disease (COVID-19).

Basahin: DILG reiterates ban on mass gatherings ahead of SONA 2020

May kaugnayan: QC papayagan ang protesta sa SONA kahit may COVID-19 pa, basta 'limitado'

Ayon pa kay Sinas, "no-protest zone" ang kahabaan ng Commonwealth Avenue ngayong araw, na taun-taong dinadagsa ng mga raliyista upang ilatag ang kanilang kritisismo sa pamamalakad ng pamahalaan.

"Walang usap-usap. Kapag may maglabas ng placard [sa Commonwealth], huli agad," sabi ni Sinas. Aniya, hindi nakauniporme ang mang-aarestong pulis.

Sa ngayon, tanging sa UP Diliman lang maaaring maglunsad ng mga protesta ngayong SONA (tinawag nilang "SONAgKAISA), na mangyayari mula 10:00 a.m. hanggang 12 p.m. 

Iligal na aresto?

Sa tingin nina Floranda, hindi naayon sa batas ang pang-aaresto sa kanilang mga miyembro.

"Ito ay illegal arrest, at pagsagka doon sa karapatan ng mga indibidwal na mamamayan na lumahok sa anumang pagtitipon o protesa," ayon sa lider ng PISTON.

"Sa 1987 Constitution, sa Section 4, hindi ba nakalagay naman doon na ang maayos na pagtitipon-tipon ay pinapayagan ng ating batas."

Kakaiba rin daw na aarestuhin ang mga tsuper lalo na't hindi ito pasok sa kwalipikasyon ng isang "mass gathering" sa pamantayan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease, lalo na't lilima lang sila sa loob ng jeep.

Pag-uusapan pa naman daw ng legal counsel ng grupo kung kakasuhan nila ang mga nang-arestong pulis. Gayunpaman, prayoridad daw ng grupo nina Floranda na mapalabas muna ng kulungan ang kanilang mga kasamahan.

Bago ang SONA, panawagan ng PISTON kay Duterte na pabalikin na sa pamamasada ang mga jeepney driver sa kalagitnaan ng general community quarantine. Sa ngayon kasi, nasa 6,000 lang ang pinayagang magbalik-pasada, dahilan para mamalimos at magkanda-gutom ang maraming tsuper sa gitna ng pandemya.

vuukle comment

2020 SONA

DEBOLD SINAS

NOVEL CORONAVIRUS

PHILIPPINE NATIONAL POLICE

PISTON

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with