ERC sa LGUs: Meter reading payagan na

MANILA, Philippines — Hinikayat ni Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson Atty. Agnes Devanadera ang mga local government units (LGUs) na payagan na ang mga power distribution utilities na makapag-reading ng metro ng kuryente sa kanilang mga lugar upang matukoy ng mga residente kung gaano talaga karaming kuryente ang kanilang nakokonsumo.

Ang panawagan ni Devanadera ay kasunod na rin nang paglalabas ng ERC ng direktiba sa mga distribution utilities nitong Biyernes, na magsagawa na ng aktuwal na pagbabasa ng metro ng kuryente, kung posible.

Ayon kay Devanadera, maaari nang magsagawa ng actual meter reading ang mga distribution utilities matapos na ma-relax ang community quarantines sa ilang bahagi ng bansa.

Gayunman, may ilang LGUs aniya ang ayaw pa ring pahintulutan ang ganitong mga aktibidad sa kanilang mga lugar kaya’t pinakiusapan na sila ng ERC chief.

Samantala, inatasan na rin ng ERC ang mga power distributors na pa­yagan ang kanilang mga kostumer na gawing installment ang pagbabayad ng kanilang electric bills na natapat sa panahon ng quarantine periods, simula Hunyo 15, nang walang penalties, interes at iba pang fees.

Ang mga nakakakon­sumo ng 200 kwh pababa noong Pebrero 2020 ay dapat payagang magba­yad ng six monthly ins­tallments habang ang mga nakagamit ng 200 kWh pataas noong February 2020, ay maaaring magbayad ng four equal monthly installments.

Show comments