‘2nd wave’ ni Duque sinopla ng Palasyo

Inihayag ni Roque na galing sa mga dalubhasa ang kanyang pahayag na taliwas sa kakaibang interpretasyon ni Sec. Duque.
Michael Varcas, file

MANILA, Philippines  — Kinontra kahapon ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na nasa second wave na ng COVID-19 pandemic ang bansa.

Ayon kay Roque, nasa first wave pa lamang ang Pilipinas at nagsimula ito noong dumating ang tatlong Chinese mula Wuhan na positibo sa COVID-19.

“Kapag sinabi nating ‘wave’, ano ba iyan sa Tagalog? Iyan po ay alon: Ang alon tumataas, bumababa. Kung titingnan ninyo po ang wave ng graph ng mga kaso dito sa Pilipinas, nagsimula po ang first wave natin nang duma­ting iyong tatlong Tsino na mayroon na pong kasong COVID-19. Pero hindi po community acquired iyan, ganoon pa man, diyan po nagsi­mula ang first wave,” sabi ni Roque.

Nagpatuloy aniya ang first wave simula Enero at lumobo pa ito hanggang Marso hanggang unti-unting bumaba pero hindi pa ganap na na-flatten ang “curve” kaya wala pa tayo sa “second wave.”

Inihayag ni Roque na galing sa mga dalubhasa ang kanyang pahayag na taliwas sa kakaibang interpretasyon ni Sec. Duque.

Katulad ni Roque, sinabi rin kamakalawa ni Executive Secretary Salvador Medialdea na wala pa sa second wave ang bansa.

Ayon kay Medialdea, huwag nang hintayin pa ang second wave dahil ginagawa naman lahat ang mga quarantine protocols.

Related video:

Show comments