Tulungan ang mga stranded na manggagawa sa Metro Manila - Go

MANILA, Philippines — Pinaalalahanan ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go ang mga concerned government agencies na tulu­ngan ang mga stranded na manggagawa sa Metro Manila upang ligtas na makauwi sa kanilang mga lalawigan, sa sandaling alisin na ang travel restrictions at maiayos na ang mga kinakailangang protocols para maiwasan ang higit pang pagkalat ng coronavirus di­sease 2019 (COVID-19). 

Ayon kay Sen. Go, habang inihahanda ang pag-implementa ng Balik Probinsya Program ay unahin na muna ang mga stranded na probinsyano dito sa Maynila na nahiwalay sa kanilang mga pamilya dahil sa quarantine at travel restrictions na ipinapatupad.

Sinabi ng senador, marapat lamang na tulungan ang mga stranded na manggagawa, tulad ng pagbibigay ng pagkain at transportasyon pabalik sa kani-kanilang probinsiya.

Nakipag-ugnayan na si Sen. Go sa DSWD para sa probisyon ng transportation assistance at transitory packages para sa stranded workers. 

Tiniyak naman ng DOTr ang ligtas na biyahe ng mga ito pabalik ng kanilang mga lalawigan.

Para naman sa mga nawalan ng trabaho, hinikayat ni Go ang DOLE at mga Local Government Units na asistehan ang mga apektadong manggagawa sa pamamagitan nang pagbibigay sa kanila ng cash for work programs at iba pang livelihood assistance na kinakaila­ngan sa sandaling makauwi na sila ng kanilang tahanan.

Show comments