Quarantine pwedeng i-extend ng 15 araw

Ito ang ipinahiwatig kahapon ni National Task Force COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na nagsabing pinag-aaralan pa nila kung palalawigin o hindi ang ECQ.
Walter Bollozos/ File

MANILA, Philippines  — Maaaring tatagal ng 15 araw kapag pinalawig ang ipinatutupad ng pamahalaan na enhanced community quarantine para mapigilan ang ibayong pagkalat ng COVID-19.

Ito ang ipinahiwatig kahapon ni National Task Force COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na nagsabing pinag-aaralan pa nila kung palalawigin o hindi ang ECQ.

“Pinag-aaralan pa natin (kung mae-extend). Premature po kung mag-a-announce tayo ngayon, pero i-involve natin ang mga scientists natin, and ating mga doktor, specialists na titingnan po ang mga reference model ng ibang bansa. Mahirap na mag-rush tayo sa normalcy tapos babalik sa lockdown. May mga countries, dalawa, tatlong lockdown sila kasi pag nare-relax, bumabalik ang surge ng new cases. Pag-aaralan natin na isang bagsak na lang na ma-extend natin ng 15 days para ma-sustain natin ‘yung magandang nagawa ng lockdown,” paliwanag ni Galvez.

“Nasa maximum of 15 days ang pinag-uusapan kung sakali man na magkaroon ng extension sa ipinatutupad na enhanced community quarantine,” diin pa ni Galvez.

Gayunman, sinabi ni Galvez na napabagal ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19 dahil sa lockdown na ipinatupad sa Luzon at ibang lugar.

“Maganda po ang nagawa ng lockdown. Na-slow down ng lockdown ang spread ng virus. With that, nakita namin isa na malaki ang possibility na magkakaroon ng lockdown ng 15 more days,” dagdag niya.

“Paakyat pa po (ang bilang ng mga kaso ng COVID-19). Hindi pa po siya nagpa-plateau,” sabi ni Galvez na nagbanggit na ilang lugar sa bansa ang nagrehistro ng malaking bilang ng mga kaso ng COVID.

“Metro Manila lalo na sa Quezon City at areas ng Regions III and IV — itong mga regions na ito ang contamination ay mataas,” sabi pa niya.

Show comments