Martial Law ‘di pinag-uusapan sa ECQ – Nograles

MANILA, Philippines  — Tiniyak kahapon ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na hindi pinag-uusapan ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ang isyu tungkol sa pagpapatupad ng martial law sa gitna ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Ginawa ni Nograles ang paglilinaw sa gitna ng “shoot them dead” na utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pulis at sundalo kung malalagay sa panganib ang kanilang buhay dahil sa mga posibleng manggulo o mag-riot habang nasa state of calamity ang bansa.

“Ngayon, ‘Is Martial Law an option?’ Hindi natin pinag-uusapan ang Martial Law – so, hindi iyan pinag-uusapan ngayon,” paglilinaw ni Nograles.

Sinabi ni Nograles na nais matiyak ng Pangulo na mayroong kaayusan at kapayapaan sa bansa kahit nasa state of calamity at mayroong krisis dahil sa COVID-19.

Tiniyak din ni Nograles na hindi papayagan ng gobyerno na may magsamantala sa sitwasyon habang nangangamba ang lahat para sa kanilang buhay at kalusugan.

Lubhang mahalaga aniya sa Pangulo na ma­panatili ang kapayapaan at kaayusan sa mga ganitong panahon.

Show comments