382 PUIs sa Pinas negatibo sa COVID-19

Ayon sa DOH, sa kabuuang 382 PUIs, 196 sa mga ito ang cleared na pero tatlo ang nagpositibo habang 183 iba pa ang naghihintay ng resulta ng kanilang laboratory tests.
AFP/Ted Aljibe

MANILA, Philippines — Negatibo sa coronavirus disease-2019 (COVID-19) ang 51 porsiyento ng persons under investigation (PUIs).

Ayon sa DOH, sa kabuuang 382 PUIs, 196 sa mga ito ang cleared na pero tatlo ang nagpositibo habang 183 iba pa ang naghihintay ng resulta ng kanilang laboratory tests.

Karamihan sa mga PUIs ang naiulat sa Metro Manila, Central Visayas, Central Luzon, Calabarzon at Western Visayas, base sa real-time tracker ng DOH.

Hindi inilagay ng tracker ang mga nationality ng mga pasyenteng iniim­bestigahan sa posibleng impeksyon.

Kaugnay nito, negatibo rin sa COVID-19 ang dalawang Pinoy na inilikas mula sa Wuhan noong Linggo.

Isinugod sa Jose B. Lingad Memorial General Hospital dahil sa diarrhea at abdominal discomfort ang dalawang repatriates na isang taong gulang na sanggol na lalaki at isang 34-anyos na babae.

Gayunman, kaila­ngan pa ring ibalik sa New Clark City ang dalawa upang kumpletuhin ang 14-day quarantine.

Show comments