In-city relocation tiniyak sa Bacoor reclamation projects

Mayor Revilla

MANILA, Philippines — Tiniyak ni Bacoor City Mayor Lani Mercado Revilla na habang ikinakasa ng lokal na pamahalaan ng Bacoor City ang panukalang 420-ektaryang reclamation projects upang mapabilis ang pagpapaunlad sa siyudad, pagtitibayin din ang “in-city relocation” para sa mga maapektuhan ng proyekto kapag umarangkada na ito.

“Ang pamahalaang lungsod ng Bacoor at ako mismo bilang Mayor, ay may malalim na sensitibidad at malawak ang pang-unawa sa mga takot, pangamba at agam-agam ng ilan sa mga kalunsod natin partikular na po ang direktang maaapektuhan ng mga pagbabagong magaganap kaugnay sa usapin na ito,” sabi ni Revilla.

Kung matatandaan, nagkaroon ng malawakang pagsuporta mula sa mga residente ng Bacoor ang panukalang proyekto sa ginawang public hearing kasama ang Environmental Management Bureau (EMB) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) noong Enero 9, 2020.

Mayroong disenteng relocation site sa loob mismo ng siyudad ng Bacoor ang proyekto at bibigyang prayoridad din ang mga residente na magkaroon ng trabaho na malilikha sa gagawing reclamation projects, ayon pa sa resolusyon.

“Inihahanda na natin ang mga resettlement sites dito din sa Bacoor para sa mga informal settlers families (ISF) at mga mangingisda na maaapektuhan po nito. Masasabi natin na ito ay isa sa mga iilang reclamation projects sa Pilipinas na may in-city relocation.”

Ang pagsuporta sa programa ng Bacoor City ay lumakas pa dahil noong January 5, 2020, nagpasa ng resolusyon ang Liga ng mga Barangay (LnB) ng Bacoor na nagsasabing ang reclamation projects ay mayroong solido at kongkretong programa para sa mga informal settler families na maaapektuhan ng proyekto.

Ang pamahalaang lokal ng Bacoor ang pangunahing proponent ng reclamation projects – ang Bacoor Reclamation and Development Project (BRDP) na mayroong 320-ektaryang islang gagawin at ang Diamond Reclamation and Development Project (DRDP) na gagawan ng isang 100-ektaryang isla sa pamamagitan ng Public-Private Partnership sa ilalim ng PPP Code ng Bacoor.

Ayon kay Revilla, magkakaroon ng mas maayos na pamumuhay ang mga maaapektuhan ng reclamation projects, lalo na ang mga ISF at mga mangingisda.

Dagdag pa ng mayora, ang kanilang proyekto ay naaayon sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na “no demolition without relocation.”

Show comments