Albayalde nakitaan ng 'probable cause' para kasuhan ng graft
Iniangkla raw ng panel ang kanilang findings kay Albayalde sa hindi pagpapatupad ng kautusang parusahan ang mga pulis na may kinalaman sa kwinekwestyong operasyon.
The STAR/Boy Santos, File
Albayalde nakitaan ng 'probable cause' para kasuhan ng graft
James Relativo (Philstar.com) - January 16, 2020 - 8:24pm

MANILA, Philippines — Nakitaan ng "probable cause" ng Kagawaran ng Katarungan sina dating Philippine National Police chief Oscar Albayalde at 13 iba pang pulis para makasuhan sa paglabag ng iba't ibang batas kaugnay ng isang anti-drug operation sa Pampanga noong ika-29 ng Nobyembre, 2013.

"[N]akakita ng probable cause ang Panel para kasuhan si Albayalde sa salang paglabag ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa paghikayat, pagbuyo at pag-impluwensya sa ibang public officer na magsagawa ng gawing lalabag sa mga panununtunan na may kaugnayan sa opisyal na tungkulin ng nahuli at sa pamiminsala sa iba, kasama ang gobyerno," sabi ng Department of Justice sa Inggles.

Iniangkla raw ng panel ang kanilang findings kay Albayalde sa hindi pagpapatupad ng kautusang parusahan ang mga pulis na may kinalaman sa kwinekwestyong operasyon.

Tumutukoy ang konsepto ng "probable cause" sa pagkakaroon ng sapat na batayan para paniwalaang may nagawang krimen.

Oktubre taong 2019 nang magbitiw sa pwesto si Albayalde kasunod ng mga alegasyong pinoprotektahan daw niya ang ilang pulis na inaakusahan ng pagre-recycle ng droga.

Dagdag pa ng DOJ, nakakita din ng probable cause para isakdal sina P/Supt. Rodney Raymundo Louie Juico Baloyo IV, P/Insp. Joven Bagnot De Guzman, Jr., SPO1 Jules Lacap Maniago, SPOI Donald Castro Roque, SPO1 Ronald Bayas Santos, SPO1 Rommel Muñoz Vital, SPO1 Alcindor Mangiduyos Tinio, PO3 Dindo Singian Dizon, PO3 Gilbert Angeles De Vera, PO3 Romeo Encarnacio Guerrero, Jr., SPO1 Eligio Dayos Valeroso at SPO1 Dante Mercado Dizon para mga sumusunod na reklamo:

1.    Misappropriation, misapplication or failure to account for the confiscated, seized and/or surrendered dangerous drugs, defined and penalized under Section 27, Article II, of R.A. No. 9165;
2.    Planting of evidence, defined and penalized under Sec. 29, Article II, likewise of R.A. No. 9165;
3.    Delay and bungling in the prosecution of drugs cases, defined and penalized under Sec. 92, Article XI of R.A. No. 9165;
4.    Qualified bribery under the Revised Penal Code;
5.    Causing any undue injury to any party, including the government, defined and penalized under Section 3(e) of R.A. No. 3019.

Sinabi rin nilang nakita ng panel na ginamit daw sa maling paraan nina Baloyo, atbp. ang nakuhang droga nang ideklarang 36.60 kilogram ng shabu na nakuha sa kanilang operasyon.

Nakita raw sa mga sumunod na imbestigasyon na halos 200 kilo ng shabu ang totoong nakuha roon.

Idineklara rin ng grupo nila na P300,000 lang ang nakuha nila sa operasyon habang lumalabas sa mga ebidensya na P10 milyon daw ito.

Iligal na pag-aresto

Idinetalye rin ng panelo kung paanong iligal na dinakip daw ng 13 ang isang Ding Wenkun, imbis na ang Johnson Lee kung saan nakuha nila ang mga droga.

Maliban dito, sinabi ng DOJ na nakita ng panel na idiniin nila si Wenkun sa pagbebenta at paghawak ng iligal na droga kahit na alam nilang si Lee ang dapat nilang kasuhan.

Ibinasura naman ng korte ang kaso laban kay Wenkun kinalaunan.

Ieendorso naman daw sa Office of the Ombudsman ang mga findings laban kay Albayalde.

Sa ilalim ng Republic Act 10660, ang Sandiganbayan ang tanging may kapangyarihang humawak ng mga kasong kinasasangkutan ng mga opisyales ng PNP na may posisyong provincial director at humahawak ng ranggong senior superintendent pataas.

Oktubre 2019 nang inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang panel na magsagawa ng muling imbestigasyon ng kaso. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag

DEPARTMENT OF JUSTICE NINJA COPS OSCAR ALBAYALDE PHILIPPINE NATIONAL POLICE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with