Epekto ng Saudi oil attack pinaghahandaan ng Pinas

MANILA, Philippines — Isinasagawa na ng gobyerno ng Pilipinas ang mga hakbang para matiyak na handa ang bansa kung sakaling maapektuhan ito ng mga drone attack sa dalawang oil facilities sa Saudi Arabia.

Inatake noong Sa­bado ang state-owned Aramco oil production facilities at Abqaiq at Khurais sa eastern Saudi Arabia.

Nagpatawag ng emer­gency meeting ang Department of Ener­gy kaugnay nito.

“Kumikilos kami para matiyak na handa ang energy family sa harap ng potensiyal na epekto ng insidenteng ito, kung meron man, sa bansa,” sabi ng DOE sa isang pahayag.

Kasalukuyang minomonitor ng DOE ang sitwasyon sa Saudi Arabia at nangakong ipapaalam sa publiko ang anumang mangyayari.

Samantala, nagpahayag ng pagkabahala si House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na sasamantalahin ng mga oil companies ang pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo at la­ngis matapos ang pag-atake ng Houthis group ng Yemen sa dalawang malalaking planta ng langis sa Saudi Arabia. 

Sinabi ni Zarate na ngayon pa lang ay tumaas na ang presyo ng gasoline sa P1.40 hanggang P1.60 sa kada litro, P0.70 hanggang P0.80 sa kada litro ng Diesel at P0.90 hanggang P1.00 sa kada litro naman ng kerosene.

Show comments