Ito ang kanilang tugon sa hamon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana nitong Martes na kundenahin ang CPP-NPA upang hindi na "i-redtag" at gawing target ng anti-insurgency campaign ang ligal na Kaliwa.
Philstar.com/Kat Leandicho, File
Makabayan kay Lorenzana: Ugat ng rebelyon kilalanin, peace talks ituloy
James Relativo (Philstar.com) - August 29, 2019 - 3:10pm

MANILA, Philippines (Updated, 4:25 p.m.) — Imbis na basta kundenahin ang mga rebeldeng komunista bilang terorista, sinabi ng progresibong Makabayan bloc na dapat tugunan ang mga kadahilanan ng pag-aarmas ng mga ito.

"Kinikilala namin na nakaugat sa lehitimong karaingan ng milyung-milyong mahihirap at inaaping Pilipino ang armadong pakikibaka ng [Communist Party of the Philippines-New People's Army-National Democratic Front] na dapat tugunan sa pamamagitan ng usaping pangkapayapaan, hindi gamit ang all out war," paliwanag ng grupo sa isang joint statement.

Ito ang kanilang tugon sa hamon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana nitong Martes na kundenahin ang CPP-NPA upang hindi na "i-redtag" at gawing target ng anti-insurgency campaign ang ligal na Kaliwa.

"Kundenahin ang CPP-NPA, itigil ang mga ginagawa nila. Kundenahin 'yung armadong pakikibaka at ititigil namin ang ginagawa namin," sabi ni Lorenzana sa Inggles sa budget hearing sa Kamara.

"Paano namin kayo ilalayo sa komunistang grupo na ito?"

Aniya, tahimik daw kasi ang mga militanteng party-list groups sa tuwing nanununog ng mga kagamitan ang NPA.

Kilala ang NPA sa panunugnog ng mining equiment sa kanayunan bilang pagpaparusa sa mga tinatawag nilang "mapaminsala" at "abusadong" mineral extraction ng ilang kumpanya.

Pero paliwanag ng Makabayan, kundinahin man nila o hindi ang NPA, walang karapatan ang Department of National Defense na ilagay ang buhay nila sa panganib lalo na't wala naman silang armas.

"'[P]orke ba hindi kami sang-ayon sa'yo at sa institusyong kinakatawan mo ay may karapatan ka nang i-red-tag kami at ilagay sa peligro ang aming buhay?" sabi pa ng Makabayan.

Ayon sa Article 3 Section 18 ng 1987 Constitution, hindi maaaring magpasa ng batas na magpaparusa sa tao dahil lang sa pulitikal na paninindigan.

Kinabibilangan nina Bayan Muna Reps. Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite, Eufemia Cullamat, ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Rep. Arlene Brosas at Kabataan partylist Rep. Sarah Elago ang mga kinatawan ng Makabayan bloc sa Kamara.

'Banta sa kaligtasan'

Pangamba ng grupo, patuloy na mailalagay sa peligro ang buhay ng mga aktibista at kritiko ng gobyerno kung hindi ititigil ng pamahalaan ang red-tagging.

Sa kanyang dissenting opinion sa kasong Zarate vs. Aquino III, tinukoy ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen sa pamamagitan ng isang journal article ang red-baiting bilang:

"[T]he act of labelling, branding, naming and accusing individuals and/ or organizations of being left-leaning, subversives, communists or terrorists (used as) a strategy...by State agents, particularly law enforcement agencies and the military, against those perceived to be ‘threats’ or ‘enemies of the State.'"

"Kapag tumutol sila, nagsiwalat ng katiwalian at lumaban sa mga mapang-aping polisiya, tatawagin silang komunista o terorista, tulad ng ginagawa nila ngayon sa Makabayan bloc," dagdag ng grupo.

Sabi nila, halos "death warrant" na raw sa buhay ng tao ang ma-red tag.

Aniya, ganito raw ang nangyari kay Bai Leah Tumbalang, 45-anyos na Lumad leader at Bayan Muna organizer, nang barilin siya sa Valencia City, Bukidnon noong ika-23 ng Agosto.

Bago raw siya patayin ng mga pinaghihinalaang state agents ay dumanas daw siya ng red-tagging dahil sa pagtatanggol sa kanilang lupang ninuno at karapatang magpasya sa sarili: "Ganito madalas ang pattern kapag siniraan at ni-redtag ng militar at pulis ang mga aktibista."

DELFIN LORENZANA DEPARTMENT OF NATIONAL DEFENSE MAKABAYAN BLOC
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with