Duterte target ang ‘A’ credit rating

MANILA, Philippines — Determinado umano si Pangulong Duterte na makamit ng bansa ang ‘”A” credit rating’ sa pamamagitan ng mabisang ugnayan ng Malakanyang at Kongreso para sa mga repormang lalong magpapabilis sa pagsulong ng pambansang ekonomiya.

Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, chairman­ ng House Ways and Means committee, ang pagkakaroon ng ‘”A” credit’ ay mangangahulugan ng magandang kapaligiran sa pamumuhunan, paglago ng ekonomiya at magandang buhay para sa mga Pilipino.

Naging daan ang nauna nang mga reporma upang itaas ng Standard and Poor ang ‘credit rating’ ng Pilipinas sa BBB+ mula BBB, na nagpapahiwatig ng malakas na tiwala sa repormang adyenda ng Pa­ngulo.

Kasama rito ang TRAIN 2 Trabaho bill na tinatawag na ngayong ‘Corporate Income Tax and Incentives Reform Act’ o CITIRA na ginawang prayoridad at tiyak na papasa sa Kongreso.

Layunin ng CITIRA na unang akda ni Salceda na bawasan ang ‘corporate income tax’ sa 20% mula 30% hanggang 2029, o 2% kada taon. Pero lilikha ito ng 1.4 milyong trabaho sa loob ng 10 taon din.

Ang CITIRA ay panga­lawang malawakang re­porma sa buwis na magpapalakas sa pribadong sektor para ang bansa ay makasabay sa masisiglang ekonomiya sa mundo.

Show comments